MANILA, Philippines – Humiling ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Appeals Chamber ng International Criminal Court na tanggalin sa kaso si Prosecutor Karim Khan, dahil umano sa mabigat na conflict of interest.
Ayon sa kanilang abogado na si Nicholas Kaufman, dati umanong kinatawan ni Khan ang ilang biktima ng drug war bilang pribadong abogado bago ito naging Chief ICC Prosecutor noong Hunyo 2021. Posible umanong ginamit ni Khan ang impormasyong nakalap niya noon sa kasalukuyang imbestigasyon.
Batay sa dokumentong may petsang Agosto 7, “Ang kahilingang ito ay nakabatay sa hindi mapagkakasundong conflict of interest kaugnay ng dating representasyon ni Ginoong Khan sa mga biktima ng umano’y extrajudicial killings sa Pilipinas.”
Ipinunto rin ng kampo na bilang piskal, tungkulin ni Khan na maghanap ng ebidensyang makapagpapawalang-sala sa akusado, ngunit maaaring salungat ito sa testimonya ng mga dati niyang kliyente. Wala rin umanong indikasyon na humingi siya ng pahintulot mula sa mga ito.
Binanggit din ng kampo ni Duterte ang mga alegasyon ng sexual misconduct laban kay Khan. Anila, ang kanyang pansamantalang pagliban sa trabaho ay nagpapahina sa presumption na siya ay may “mataas na moralidad.”
Dagdag nila, “ang isang patas at maalam na tagamasid ay may makatuwirang batayan upang makita ang pagkiling na nagiging dahilan upang siya ay madiskuwalipika.”
Ayon sa Article 42(7) ng Rome Statute, ipinagbabawal sa isang prosecutor ang makilahok sa anumang kaso kung may makatuwirang pagdududa sa kanyang pagiging patas.
Hiniling ng depensa na agad aksyunan ng korte ang kahilingan bago ang itinakdang confirmation of charges hearing sa Setyembre 23, 2025.
Inaresto si Duterte noong Marso 11 sa Pilipinas base sa warrant mula sa ICC. Siya ngayon ay nakakulong sa Scheveningen Prison sa The Hague para sa kasong crimes against humanity kaugnay ng mga pagpatay sa ilalim ng kanyang drug war bilang alkalde ng Davao City at bilang pangulo.
Batay sa tala ng gobyerno, mahigit 6,000 ang napatay sa mga anti-drug operations. Ngunit ayon sa mga human rights group, maaaring umabot sa 30,000 ang tunay na bilang dahil sa mga hindi naiulat na insidente. RNT