Home METRO Gr. 10 stude binaril sa klasrum; ex-dyowa nagbaril din sa sarili

Gr. 10 stude binaril sa klasrum; ex-dyowa nagbaril din sa sarili

275
0

MANILA, Philippines – Huling iniulat na kritikal sa ospital sa Cabanatuan City ang isang 18-anyos na lalaki matapos magbaril sa sarili, ilang saglit matapos niyang barilin ang kanyang 16-anyos na nobya sa loob ng klasrum nito sa bayan ng Sta. Rosa, Nueva Ecija nitong Huwebes ng umaga.

Base sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang pamamaril ng binata sa kanyang grade 10 student na kasintahan, pasado alas-11:00 ng umaga sa loob mismo ng classroom ng Sta Rosa Integrated School sa Barangay Rizal.

Matapos ang pamamaril sa syota, nagbaril din sa kanyang sarili ang binata, gamit ang hindi pa matukoy na baril.

Kapwa natagpuang duguang nakabagta sa silid aralan ang magkasintahan.

Dahil sa nangyari, nagtakbuhan ang mga estudyante palabas ng classroom.

Agad namang dumating ang mga guro na humingi ng tulong sa mga awtoridad at isinugod sa Doctor’s Hospital ang magkasintahan.

Isinusulat ito, hindi pa nagbibigay ng iba pang detalye ang mga atoridad dahil patuloy pang sinisiyasat ang malagim na insidente.

Maging ang mga kaanak ng dalawang estudyante ay wala pa ring pahayag.

Sa impormasyong nakalap, huminto sa pag-aaral ang suspek habang inilipat naman sa nasabing eskuwelahan ang biktima.

Pinaniniwalaang selos ang motibo sa krimen. (Marina Bernardino-Sy)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here