Home LIFESTYLE HEALTH 24 patay, 207 kaso ng leptospirosis naitala sa QC

24 patay, 207 kaso ng leptospirosis naitala sa QC

231
0

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagkabahala ang pamahalaang lungsod ng Quezon City sa patuloy na pagtaas ng kaso ng leptospirosis kasabay ng pag-ulan at pagbaha.

Ayon sa Quezon City Health Department – Epidemiology and Surveillance Division, mayroong 207 kaso at 24 na nasawi mula Enero 1 hanggang Agosto 3. Bagaman mas mababa ito ng 15 porsyento kumpara sa 243 kaso noong nakaraang taon, binigyang-diin ng lungsod ang pangangailangang mag-ingat ang publiko dahil sa bilang ng namatay.

Ang pangunahing sanhi ng sakit ay ang paglusong sa baha na kontaminado ng ihi ng daga, lalo na sa mga mabababang lugar matapos ang malalakas na pag-ulan at bagyo. Karamihan sa mga pasyente ay mga lalaking edad 41 hanggang 50, habang ang kabuuang kaso ay mula edad 5 hanggang 75.

Noong Hulyo, naitala ang 115 bagong kaso. Ayon sa QCESD, 85 porsyento ng mga pasyente ay humingi ng gamutan tatlo o higit pang araw matapos magsimula ang sintomas, dahilan ng posibleng komplikasyon o pagkamatay.

Kabilang sa mga hamon sa pagkontrol ng sakit ay ang matagal na pagbaha dahil sa baradong kanal, kakulangan sa sanitation, at hindi maayos na pamamahala sa basura na nagdudulot ng pagdami ng daga. Ang kakulangan sa kaalaman ng publiko at ang pagkabigo sa agarang pagpapagamot ay nagpapalala rin sa sitwasyon.

Muling nanawagan ang pamahalaang lungsod sa publiko na iwasan ang paglusong sa baha, at magsuot ng protective footwear kung hindi ito maiiwasan. Ang mga nalubog sa baha ay hinihikayat na magtungo sa pinakamalapit na health center para sa libreng konsulta at gamot.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring kontakin ang QCESD o bisitahin ang kanilang opisyal na Facebook page. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here