MANILA, Philippines – Hindi na kailangan ng Commission for Infrastructure (ICI) ang dagdag na kapangyarihan at pangil para maging matapang ang atake ng mga opisyal nito sa pagtatanong sa mga inimbitahang resource person sa ginagawang imbestigasyon kaugnay sa flood control anomaly.
Sa pagsisimula ng live streaming ng ICI sa kanilang mga deliberation, naobserbahan kasi ng publiko na tila malamya at kulang sa tapang ang pagtatanong ng mga ICI officials sa kanilang mga inimbitahang resource person.
“Ganito po yan eh. Depende po yan kung papaano ba sila magtatanong. Kahit bigyan mo pa ng napakalaking power yan kung ganyan po talaga ang kanilang pagtatanong dahil yun po yung alam nilang way ng pagtatanong. Hindi naman po kasi tipo dapat binabastos ang mga resource person,” ayon kay Castro.
Dapat din aniyang tandaan ng lahat na ang namumuno sa ICI ay dating Supreme Court Justice.
“So, alam niya kung papaano magtanong ng hindi nambabastos ng resource person. Ang gusto po ba ng mga taong bayan makita yung katulad na nangyayari sa ibang hearing na nagkakapahiyaan ng resource person, nananakot na ipapakulong. Hindi po yun yung way ng pag-iimbestiga if you really want to know the truth,” ang pahayag ni Castro.
Sinabi pa ni Castro na may pamamaraan para makuha ang katotohanan na hindi babastusin ang witness o resource person.
Samantala, nauunawaan na ngayon ni Castro ang dahilan kung bakit hangga’t maaari ayaw ng ICI na i-live o isapubliko ang nagaganap na pagdinig o imbestigasyon sa flood control scandal.
“Marami po kasing judgemental,” diin pahayag ni Castro.
At ang pakiusap ni Castro sa pubiko ay hayaan na lamang na gawin ng ICI ang trabaho nito,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)