MANILA, Philippines – NILINAW ng Malakanyang na may natanggap ang Independent Commission on Infrastructure (ICI) ng P41 milyon na pondo para sa 2025.
Sa katunayan ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang Special Allotment Release Order (SARO) para sa initial funding ng ICI noong Setyembre.
Gayunman, nakaranas ng pagkaantala sa implementasyon ng budget.
“Ayon po sa DBM, iyong SARO po ay as early as September ay nandiyan na po,” ani Castro.
“Ang natatangi lamang po siguro nagkaroon ng konting delay ay iyong pag-i-implement po… at iyong modified disbursement system. At ngayon po ay maitatanong po natin, iyong pondo po ay nasa kanila na,” aniya pa rin.
Nauna rito, nagbitiw naman si dating Department of Public Works and Highways Secretary Rogelio “Babes” Singson bilang miyembro ng ICI.
Sa ulat, sinabi ni Singson na kapos sa budget at batas upang magkaroon ng pangil ang investigating body sa paglaban sa katiwalian sa gobyerno.
Ibinunyag ni Singson na nag-o-operate ang ICI ng walang sapat na pondo, simula nang itatag ito ni Pangulong Marcos noong Setyembre.
Ayon kay Singson, “Unfortunately, ICI was created, I would imagine, as an urgent matter, kulang sa budget, walang budget, nasa diyaryo ‘yung budget, wala sa amin. Ganoon ‘yung sitwasyon.”
Nanawagan rin naman si Singson sa mga mambabatas na ipasa na ang batas na magpapalakas pa sa kapangyarihan ng investigating body.
Ani Singson, na dati ring kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sa kasalukuyan ay may mga legal na limitasyon na kinakaharap ang komisyon sa kasalukuyang porma nito.
“What we wanted to convey is that ICI, as it is today, does not have enough powers to be able to execute as quickly as we can what we need to do,” dagdag pa niya.
“That’s why I am appealing to members of Congress, both the House and the Senate, ipasa niyo na ‘yung IPC or Independent People’s Commission at the Senate level and the ICAIC (Independent Commission Against Infrastructure Corruption) which is the lower House version,” aniya pa.
Una nang nagbitiw ang 77-taong gulang na si Singson mula sa ICI, epektibo sa Disyembre 15.
Tinukoy niya ang kanyang edad at dinaranas na stress sa trabaho na dahilan ng kanyang pagbibitiw.
Sinabi pa ni Singson na tapos na rin naman ang kanyang trabaho sa komisyon. Kris Jose