MANILA, Philippines – Inutusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Transportation (DOTr) na magsagawa ng masusing pagsusuri at agad na tugunan ang mga hinaing na inihain ng grupong pangtransportasyon na MANIBELA na nakaaapekto sa kabuhayan ng mga kasapi nito at kanilang mga pamilya.
Sa isang briefing sa Palasyo ngayong Biyernes, sinabi ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na bukas ang administrasyon sa dayalogo upang maresolba ang usapin.
“Ipinag-utos naman sa pamunuan ng DOTr, tingnan mabuti kung ano ang hinaing ng grupo ng MANIBELA,” ani Castro.
“So, kailangan rin ito maresolba kung mayroon naman talagang batayan ang kanilang reklamo, dapat itong masolusyonan agad,” dagdag ni Castro.
Ang MANIBELA, na nangangahulugang Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers para sa Karapatan sa Paggawa, ay nauna nang nag-anunsyo ng plano nitong magsagawa ng tatlong araw na transport strike simula Disyembre 9 bilang protesta sa mga isyu kaugnay ng proseso ng mga dokumento ng pamahalaan at umano’y mataas na multa.
Hinimok ni Castro ang grupo ng transportasyon na makipagtulungan para sa kapakanan ng mga pasahero, lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan.
“Tayo na rin ang mananagawan sa grupo ng MANIBELA. Alam naman natin na Christmas season, baka naman puwedeng ipamasko niyo na at mapag-usapan naman ‘yung mga hinaing nila. Pag-usapan para maresolba agad,” sinabi ni Castro. KRIS JOSE