Home NATIONWIDE ICI, tuloy-operasyon pa rin – PBBM

ICI, tuloy-operasyon pa rin – PBBM

161
0

MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na magpapatuloy ang operasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) habang isinasagawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang masusing pagrerepaso sa 125-day accomplishment report nito ukol sa maanomalyang flood control projects.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na maingat na pinag-aaralan ng Pangulo ang ICI report bago gumawa ng anumang desisyon, kabilang na ang magiging kapalaran ng fact-finding body na inatasang imbestigahan ang maanomalyang flood control projects.

“Sila ay nag-submit na ng kanilang report. Kung ano po ang magiging desisyon po ng Pangulo dito kung dapat po bang ituloy o hindi, kung dapat silang magpatuloy sa pagtatrabaho, hintayin na lamang po natin ang magiging anunsyo ng Pangulo,” ayon kay Castro.

“Pero sa ngayon po, wala pong pagpipigil. Patuloy pa rin po ang pagta-trabaho ng ICI,” aniya.

Ang pahayag na ito ni Castro ay tugon sa sinabi ni ICI chairperson Andres Reyes Jr. na handang lumaban ang komisyon hanggang sa huli kung pahihintulutan lamang, upang matiyak na ang mga indibiduwal na idinadawit sa flood control mess ay mapananagot.

Ani Castro, maaaring gumawa ng desisyon ang Pangulo ngayong buwan ng Pebrero.

Sa ulat, pormal nang nagsumite ng report ang ICI kaugnay sa kanilang naging trabaho sa loob ng kabuuang 125 araw mula Setyembre 15, 2025 hanggang Enero 18, 2026.

Ayon sa dalawang pahinang press release ng ICI nitong Biyernes, Pebrero 6, 2026, sinabi nilang nakapagsumite sila ng siyam na referral sa Office of the Ombudsman (OM) para sa 65 indibiduwal na sangkot sa maanomalyang flood control projects at 64 indibiduwal ang inisyuhan nila ng Immigration Lookout Bulletin Orders (ILBOs) sa Department of Justice (DOJ).

Nakapagsagawa rin sila ng 32 pagdinig na tumagal sa halos 44 oras kung saan napag-usapan ang pagkakasangkot umano ng 25 kilalang indibiduwal.

Paglilinaw nila, pito rito ay mga senador, 13 miyembro ng Kamara, at lima pinuno ng mga ahensya ng pamahalaan.

Dagdag pa ng ICI sa kanilang press release, naipa-freeze nila ang kabuuang 6,692 bank account at nakapagbalik sila ng aabot sa halagang ₱24.7 bilyon.

Dahil dito, naghihintay na lamang umano sila ng utos mula sa Pangulo kung ano ang mga susunod nilang hakbang.

Bukod sa mga ito, ipinaliwanag din ng ICI na nakapagsagawa sila ng 67 media engagement at 18 oras ng interview bilang pagpapakita ng “transparency” at “public accountability.” Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here