Home NATIONWIDE Ika-161 Malasakit Center inilunsad sa Bocaue, Bulacan

Ika-161 Malasakit Center inilunsad sa Bocaue, Bulacan

MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Senator Christopher “Bong” Go, kasama si Senate Majority Floor Leader Senator Joel Villanueva, ang pagbubukas ng ika-161 Malasakit Center sa Joni Villanueva General Hospital (JVGH) sa Bocaue, Bulacan noong Lunes, Marso 11.

Ang paglulunsad ay dinaluhan din nina Congressman Ambrosio “Boy” Cruz Jr., Governor Daniel Fernando, Vice Governor Alex Castro, Mayor Eduardo “JJV” Villanueva, Vice Mayor Sherwin Tugna, dating Congressman Domingo Rivera, gayundin ng mga opisyal ng Department of Health sa pangunguna ni Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Sa pagbubukas ng 161 Malasakit Center, mayroon na nito na 90 sa Luzon, 30 sa Visayas, at 41 sa Mindanao.

Sa Region 3, nangangahulugang mayroon nang 16 center sa Central Luzon, ang apat ay sa lalawigan ng Bulacan, kasama ang mga nasa Bulacan Medical Center sa Lungsod ng Malolos, Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital sa Sta. Maria, at Ospital ng San Jose del Monte.

“Ito na po ‘yung pang-apat na Malasakit Center sa probinsya ng Bulacan. Ang Malasakit Center po ay one-stop shop, kung saan nandidiyan na po sa loob ng ospital ‘yung PhilHealth, PCSO, DOH, at DSWD na tutulong sa ating mga kababayan sa kanilang hospital billing. May social worker po doon para mag-guide po sa ating mga pasyente at maibaba sa lowest possible amount ang kanilang babayaran sa pamamagitan ng medical assistance programs ng gobyerno,” paliwanag ni Go.

Nabatid na si Go ang principal sponsor ng Republic Act No. 11720, “An Act Establishing the Joni Villanueva General Hospital,” kasama si Sen. Joel Villanueva bilang co-sponsor.

Ang batas na ito ay nagbigay-daan para sa pagtatayo ng JVGH, isang pagpapakita ng dedikasyon ng pamahalaan na mapabuti ang imprastraktura sa pangangalagang pangkalusugan para maging mas madaling mapuntahan ng mamamayang Pilipino ang mga serbisyong-medikal.

“Ang taong nais natin bigyan ng parangal ngayong araw na ito. Kasi po ako supposed to be, nandoon ako dapat sa Senado ngayon (dahil) maraming tayong ginagawa. Isipin niyo, si Gov. (Fernando) andito, si Vice Gov. (Castro) nandito, sila Congressman (Rivera at Cruz) nandito, si Mayor (Villanueva) at Vice Mayor (Tugna) nandito, kasi mahirap pong tanggihan ang tao na ito (dahil) sa dami ng nagawa at naitulong, ‘di lang sa ating lalawigan kundi mismo dito sa ating tinubuang lupa ng dakilang Bocaue. Kaya po taus-puso kaming nagpapasalamat, walang iba kundi kay Senator Christopher Lawrence “Bong” Go,” ang sabi ni Sen. Villanueva.

Nagpahayag din ng pasasalamat si Go kay Sen. Villanueva.

“Palakpakan po natin, isa sa pinakamataas na senador. Kita n’yo nakatayo ‘yan buong araw sa Senado. Siya po ang aming boss sa Senado, alam n’yo naman po ‘yon. As Majority Floor leader, siya po ‘yung pinaka- leader namin sa floor, sila ang masusunod kung ano ‘yung pag-uusapan at ipatutupad na batas. Hindi po maipapasa itong mga batas na ito kung hindi po sa suporta ng ating mahal na senador ninyo, pride of Bulacan. Napakamatulungin po,” ani naman ni Go.

Ang programa ng Malasakit Centers, na na-institutionalize noong 2019 sa ilalim ng Republic Act No. 11463, na pangunahing itinataguyod at isinulat ni Go, ay kumakatawan sa pundasyon ng pangako ng gobyerno na gawing accessible sa lahat ng Pilipino ang mga programa sa tulong-medikal, lalo na sa mga mahihirap.

Mula nang mabuo noong 2018, ang Malasakit Centers ay naging napakahalagang tulong para sa mahigit 10 milyon nang Pilipino sa buong bansa.

“Kami po ni Senator Joel ay patuloy na susuporta sa inyo dahil naniniwala po ako na ang Malasakit Center po ay isang paraan na ‘wag nating pahirapan ang ating mga kababayan dahil pera naman po ito ng ating mga kababayan. Ibalik po natin sa kanila sa mabilis na paraan ang pagbigay ng tulong pang-medikal through this one-stop shop. Iyan po ang Malasakit Center,” idiin ni Go. RNT

Previous articleAndrea, aminadong maraming pangakong napako!
Next articleTINGNAN: Sunog sumiklab sa PGH