Home HOME BANNER STORY Ika-5 SONA ni PBBM, gagawing simple – Malakanyang

Ika-5 SONA ni PBBM, gagawing simple – Malakanyang

10
0

MANILA, Philippines – GAGAWING simple lang ang pang-5 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Hulyo 27, 2026.

“Ang magho-host po kasi ng SONA ay ang House of Representatives. Pero naka-align po ang ehekutibo, ang Office of the President dahil ang panawagan po dito ay simple lamang po, simpleng okasyon,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Patunay aniya na magiging simple lamang ang SONA ng Pangulo ay dahil wala aniyang celebrity directors o mga big A-listers na magpe-perform.

“So, simple lang pero dignified ang gagawin pong pagsasagawa po ng isang national event katulad po ng SONA,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, may napupusuan na aniya ang Pangulo na kakanta ng Lupang Hinirang sa kanyang SONA subalit hindi naman pinangalanan ni Castro kung sino ito.

“Kung may napupusuan po siya na aawit ng national anthem, mayroon na po at alam ko na rin po pero hindi ko po alam, magpapaalam muna ako kung dapat ko na siyang sabihin. Baka sabihin huwag muna at kailangan na may surprise. Pero kapag ako po’y pinayagan na, babanggitin ko po kahit ho bukas,” ang pahayag ni Castro.

Samantala, hinanapan naman ng ebidensiya ni Castro si BAYAN President Renato Reyes Jr. sa sinabi ng huli na kung may mahihiya man daw sa SONA, kasunod ng “mahiya naman kayo” statement ng Pangulo noong nakaraang taon ay dapat ani Reyes ay si Pangulo ito.

Ang katuwiran ni Reyes ay dahil hanggang ngayon ay nangapa at nagkumahog si Pangulong Marcos na makapagbigay ng SONA na katanggap-tanggap sa taumbayan. Naging selective din ani Reyes ang pananagutan at palabas lang o performance ang masasaksihan sa SONA ni Pangulong Marcos ngayong taon.

“Dahil lang iyan sa kaniyang mga sinabi na kailangang mahiya, dahil sa nagkukumahog sa SONAng ito? Ano po ba iyong kaniyang ebidensiya?,” ang tanong ni Castro.

“Nakita ninyo na po ba lahat ang mga naging trabaho at na-accomplish ng Pangulo para sa bayan? Aba, hindi po tayo puwede magkaroon dito ng tapaoho – iyon po iyong ginagamit ng mga kabayo na parang nakatakip ang iyong mga mata, isang lugar lang kung saan ka dadalhin ng kutsero doon ka lang titingin,” ani Castro.

“So, huwag po tayo gumamit ng ganoon dahil dapat na lawakan ang inyong pag-iisip, buksan ang mga mata, buksan ang inyong mga tainga – ano na ba ang nagawa ng Pangulo? Hindi nagkukumahog ang Pangulo dahil sa SONAng ito, nagkukumahog pa po siya para mas marami pa siyang magawa para sa taumbayan. Kulang na kulang ang oras para sa Pangulo para maihatid ang lahat ng kailangan ng ating mga kababayan. Hindi naman ni inaasahan na magkaroon ng lindol, hindi niya inaasahan na laging magkakaroon ng bagyo, hindi niya inaasahan na magkakaroon ng krisis sa Middle East pero lahat ng iyan ay tinutugunan, hindi iyan nakikita ng iba,” aniya pa rin.

Kaya nga aniya, “baka sila po ang dapat na mahiya dahil wala silang nakikita.” KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here