PINANGUNAHAN ni Senador Loren Legarda ang pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Gat Andres Bonifacio sa ika-162 anibersaryo ng kapanganakan nito na ginanap sa Monumento Circle, lungsod Caloocan. JOJO RABULAN
MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pangamba ang ilang ahensiyang pangkultura sa posibleng pag-uulit ng mga impormasyong pangkasaysayan sa panukalang pagtatayo ng museo na ilalaan kay Katipunan Supremo Andres Bonifacio.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Culture and the Arts, hinimok ng mga kinatawan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang mga mambabatas na suriing mabuti kung kailangan pa ng hiwalay na museo.
Ayon kay Bryan Anthony Paraiso, Supervising Historic Sites Development Officer ng NHCP, mayroon nang Museo ng Katipunan sa Pinaglabanan Memorial Shrine sa San Juan City na tumatalakay sa kasaysayan ng Katipunan at Himagsikang Pilipino.
“Since the latter already interprets the history of the Katipunan in the Philippine revolution, there is a possibility of overlapping historical narratives, exhibition themes, and educational programs,” ani Paraiso.
Binanggit din niya ang hamon sa paglalagay ng mga personal na gamit ni Bonifacio sa museo dahil naiulat na nasira ang mga ito nang masunog ang kanyang bahay sa Tondo, Manila noong Abril 3, 1896.
Gayunman, sinabi ni Bantay Kasaysayan founder King Cortez na hindi dapat maging hadlang ang pagkakaroon ng Museo ng Katipunan sa pagtatayo ng hiwalay na museo para kay Bonifacio.
Suportado rin sa prinsipyo ni National Commission for Culture and the Arts Culture and Arts Officer Eric Adriano ang panukala, ngunit inirekomenda niya ang pagsasagawa muna ng feasibility study.
Iminungkahi rin niyang gamitin ang pangalang “Andres Bonifacio Museum” sa halip na “Andres Bonifacio National Museum,” dahil nakalaan ang katawagang “National Museum” sa National Museum of the Philippines sa ilalim ng Republic Act No. 11333.
Samantala, iminungkahi ni National Museum Director General Jeremy Barnes ang pangalang “Andres Bonifacio National Shrine” na magkakaroon ng museo sa loob nito upang maiwasan ang kalituhan sa pangalan.
Ayon kay Barnes, mahalaga ring magkaroon ng mas malakas na pagkilala kay Bonifacio sa Maynila, partikular sa mga lugar kung saan siya nanirahan at nagtrabaho.
Si Sen. Robinhood Padilla, sponsor ng panukalang Andres Bonifacio Museum Act sa ilalim ng Senate Bill No. 1589, ay bukas sa mga rekomendasyon at iminungkahi ang karagdagang talakayan sa pamamagitan ng technical working group.
Iminungkahi rin niya ang Tutuban bilang posibleng lokasyon ng museo dahil malapit ito sa sinilangang lugar ni Bonifacio. RNT/MDS