QUEZON CITY, Philippines — Nakaranas ng hanggang baywang na baha ang ilang bahagi ng Quezon City nitong Lunes, Agosto 17, dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng habagat.
Ayon sa road assessment ng lungsod alas-11:20 ng umaga, pinakamalalim ang baha sa Caragay Street at Dulo Interior West Riverside sa Barangay Damayan, na umabot sa 37 pulgada.
Umabot naman sa 26 pulgada o kasinglalim ng gulong ang baha sa N.S. Amoranto corner Don Jose Street at N.S. Amoranto corner Palali Street sa Barangay Sienna.
Naitala ang 19 pulgada o hanggang tuhod na baha sa ilang bahagi ng Barangay Sienna, kabilang ang N.S. Amoranto corner Bingo Street, Don Jose Street corner Sct. Alcaraz Street, N.S. Amoranto corner Ubay Street at N.S. Amoranto corner Tabayoc Street. Nakaranas din ng ganitong lalim sa Don Jose corner N.S. Amoranto sa Barangay Sto. Domingo (Matalahib).
Umabot sa 10 pulgada ang tubig sa N.S. Amoranto corner Banawe sa Barangay Sto. Domingo, habang 8 pulgada o gutter-deep na baha ang naiulat sa ilang bahagi ng Barangays Sto. Domingo, Lourdes, Pinyahan, Del Monte, Paang Bundok at Damayan.
Kabilang din sa mga apektadong lugar ang Don Pepe corner Samat, Don Pepe corner Don Manuel, Calamba corner Don Pepe, D. Tuazon corner Maria Clara, V. Luna corner Matimpiin, W. Riverside corner Pat Senador, Calavite corner A. Bonifacio, Mariveles corner A. Bonifacio, Alley 1 West Riverside at V. Luna sa harap ng Mercury.
Habang nagpapatuloy ang ulan, nagsagawa ang Quezon City Department of Engineering (QCDE) ng declogging at clearing operations sa mga lugar na madaling bahain sa anim na distrito ng lungsod upang mapabuti ang daloy ng tubig.
Sa District 1, nilinis ang mga lugar sa Road 14 sa Barangay Bahay Toro, Road 3 sa Project 6, Calamba Street sa Sto. Domingo, N.S. Amoranto Street patungong Banawe Street sa Sienna at Sto. Domingo, at Don Jose corner Sct. Alcaraz.
Sa District 2, isinagawa ang operasyon sa 30 Livelihood Street corner Mabini Street sa Batasan Hills, Saint Michael Street sa Holy Spirit, Commonwealth Heights Subdivision sa Commonwealth, at Saint Mary at Jasmin streets sa Payatas.
Sa District 3, kabilang sa nilinis ang P. Burgos Street sa Marilag, P. Tuazon Street sa Socorro, Tamblot Street sa Masagana, 15th Avenue corner P. Tuazon, Del Pilar Street sa San Roque, Don Jose corner 20th Avenue, at Gumamela Street at 19th Street sa Roxas.
Sa District 4, isinagawa ang clearing at declogging sa Elliptical Road sa Central, Cuatro De Julio sa Santo Niño at BMA sa Tatalon.
Sa District 5, nilinis ang baha sa Dunhill Street sa Fairview. Nagkaroon din ng declogging sa Zabarte Road sa Kaligayahan at Lower Visayas sa Sta. Lucia, clearing sa Susano Road sa Novaliches Proper at repair work sa Exeter Street corner Midway Street sa Gulod.
Sa District 6, isinagawa ang declogging sa Sitio Pajo at Howart Road sa Baesa, Old Samson Road at Parkway Village sa Apolonio Samson.
Pinayuhan ng city government ang mga residente na itapon nang maayos ang basura upang hindi mabara ang drainage at waterways at makatulong na maiwasan ang pagbaha, lalo na ngayong tag-ulan.
Pinayuhan din ang publiko na manatiling maingat at tumawag sa Quezon City Helpline 122 para sa mga emergency. RNT/MDS