Home METRO Ilang deboto sugatan sa tangkang pag-akyat sa Andas

Ilang deboto sugatan sa tangkang pag-akyat sa Andas

MANILA, Philippines- Ilan sa mga deboto ay nasugatan at binigyan ng atensyong medikal dahil sa kagustuhang makasampa sa Andas.

Ayon sa MMDA, nagtamo ng hiwa sa kanang paa ang isa sa mga pasyente sa kahabaan ng Katigbak Drive. Siya ay inendorso sa station ng Department of Health (DOH) sa Quirino Grandstand upang matahi ang kanyang sugat.

Ang pangalawang pasyente naman ay nasugatan din sa nasabing lugar at agad ding umuwi matapos malinisan ang kanyang sugat sa hita.

Paliwanag ng MMDA, ang mga nasugatan ay nagtangkang umakyat sa Andas.

Ang kanang paa naman ng ikatlong pasyente ay nagkaroon din ng sugat o hiwa sa kanang paa sa kahabaan ng Finance Road. Dinala rin sa DOH tent sa Quirino Grandstand para sa atensyong medikal.

Ayon sa MMDA, ang kanilang first aid station ay pinamahalaan ang 120 indibidwal mula Enero 7 hanggang 9.

Samantala, natulungan na rin ng Philippine Red Cross ang kabuuang 111 pasyente sa unang ilang oras ng Traslacion na nagsimula alas-4:41 ng umaga. Jocelyn Tabangcura-Domenden