MANILA, Philippines- Umaasa si Senador Joel Villanueva na magkakaroon ng patuloy na pag-unlad sa paglikha ng trabaho sa bansa kasunod na pagsasabatas ng ilang priority measures ng administrasyong Marcos.
Sinabi ni Villanueva, ipinakikita ng huling bilang ng pwersa ng paggawa sa bansa na bumagsak ang unemployment at underemployment rages sa pagsisimula ng 2025.
Aniya, positibong senyales ito sa pagpasok ng bagong taon.
Base sa ginawang November 2024 Labor Force Survey, bumagsak ang bilang ng unemployment tungo sa 3.2 percent mula sa 3.9 percent nitong October, habang nabawasan naman ang underemployment sa 10.8 percent kaysa dating 12.6 percent.
“Inaasahan nating mas magiging maganda ang ating job data sa pagpapatupad ng Trabaho Para Sa Bayan Act at ang Enterprise-Based Education and Training (EBET) Program Act, na pareho nating inakda at inisponsoran sa Senado, gayundin ang pagsasabatas ng sinulong nating Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP) Bill,” ayon kay Villanueva.
Wika pa ng senador, malaki ang maitutulong ng mga nasabing batas sa paglago ng ekonomiya at pagpapalakas ng labor sector sa bansa.
“Ginawang prayoridad ng Marcos administration ang mga ito upang mabigyan ang ating workforce ng mga kasanayang hinahanap ng mga employer at akma sa pangangailangan ng mga industriya,” ayon kay Villanueva.
“Sisiguruhin po nating maipapatupad ang mga sinulong nating batas nang maayos at ayon sa nakasaad na mga luyunin nito tulad ng paglikha mas maraming oportunidad at mga de-kalidad na trabaho, at sa huli, matiyak ang sustenableng paglago ng ating ekonomiya,” tiyak ng senador. Ernie Reyes