MANILA, Philippines — Tutol ang ilang grupo ng mga employer sa P85 dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa Metro Manila, dahil nangangamba silang mahihirapan ang maraming negosyo na pasanin ang dagdag na gastos sa paggawa.
Dahil sa wage hike, tataas sa P695 ang daily minimum wage sa National Capital Region. Gayunman, sinabi ng Department of Labor and Employment na may nakasaad na exemptions sa wage order para sa ilang negosyo.
Sinabi ng Employers Confederation of the Philippines na kinikilala ng mga negosyo ang pangangailangang itaas ang sahod ng mga manggagawa, ngunit naniniwala silang mali ang naging batayan sa halaga ng dagdag-sahod.
“Unfortunately, we dissented kasi ‘yung mga formulang ginagamit natin, which is regular – ‘yung inflation, ‘yung mga measures, marami ‘yan eh. Palagay namin mali dahil ngayon kasi it is not a normal situation,” paliwanag ni ECOP president Sergio Ortiz-Luis, Jr.
“Mayroon giyera, tumaas ang gasolina, tumaas ang inflation. So ‘pag in-average ‘yung inflation, nag-aantay sa 6.8 eh. Hindi naman normal ‘yun,” dagdag niya.
Ayon sa ECOP, iminungkahi nila sa Tripartite Board ang P60 na dagdag-sahod, na ipatutupad sana sa dalawang tranches.
Iginiit din ng grupo na maliit lamang na bahagi ng mga manggagawa ang direktang makikinabang sa wage order. Ayon sa ECOP, 84 porsiyento ng labor force sa bansa ay nasa informal sector. Sa natitirang 16 porsiyento, sinabi nitong 90 porsiyento ang nagtatrabaho sa micro-enterprises na maaaring hindi kayanin ang P85 dagdag-sahod.
“Ilan lang yung kayang-kaya ‘yan. Baka yung large na wala pang 1 % saka yung medium na 1%. Even this small na 9%, hindi kaya ‘yan this time lalo pa ngayon na ika nga ang investors natin nangawala na, pwede turista. Lalagyan mo pa na ganyan kalaki, lalo mawawala yung investment,” sabi pa ni Ortiz-Luis, Jr.
Posible rin umanong ipasa ng ilang kumpanya sa mga mamimili ang dagdag na gastos sa pamamagitan ng pagtaas ng presyo ng produkto o serbisyo.
Nagbabala rin ang Federation of Philippine Industries na ang manufacturing industry, na nagsisimula pa lamang makabawi, ay mahaharap sa panibagong pasanin dahil sa wage hike. Dagdag pa nito, kasabay pa rin nito ang pagtaas ng gastos sa enerhiya at logistics, na maaaring makaapekto sa kakayahan ng mga kumpanya na panatilihin ang mga empleyado at manatiling kompetitibo.
Ayon naman kay Labor Secretary Francis Tolentino, may mga exemption na nakasaad sa wage order.
“So ‘yung mga may 15 employees and below can seek an exemption. Ano ‘yun — mga pumapasok sa barangay, micro enterprises law, P3M and below ang kanilang capitalization, hindi kasama ‘yun. So ‘yung mga maliliit ay kinilala talaga ng wage order,” paliwanag ni Tolentino.
Iginiit din ni Tolentino na isinasaalang-alang ng Tripartite Board ang mahahalagang salik bago nagpasya, kabilang ang nagpapatuloy na sigalot sa Gitnang Silangan at ang pang-araw-araw na gastusin ng mga manggagawa.
“Number 1 consideration, ‘yung pagkahirap lalo na ng ating mga manggagawa lalong-lalo na sa pang-araw-araw na gastusin at bilihin. Hindi pa tapos ‘yung sa Middle East, ’di ba? So lahat ‘yun kinonsider,” anang kalihim. Santi Celario