Home HOME BANNER STORY Expulsion, kaso parusa sa estudyanteng masasangkot sa school threats – DepEd

Expulsion, kaso parusa sa estudyanteng masasangkot sa school threats – DepEd

4
0

MANILA, Philippines — Nagbabala si Education Secretary Sonny Angara nitong Huwebes na maaaring masuspinde, ma-dismiss, mapatalsik, at maharap sa kasong kriminal ang mga estudyanteng mapatutunayang nasa likod ng mga banta sa paaralan.

Sa pakikipag-usap sa mga reporter sa sidelines ng EdConnect Higher Education EdTech Summit 2026 sa Quezon City, sinabi ni Angara na sineseryoso ng mga awtoridad ang bawat naiulat na banta kasunod ng mga insidente sa Batangas at sa Bagong Silangan High School sa Quezon City.

“Kaya nga tayo may pinaigting na safety protocols. Pero itong mga threats kailangan talaga seryusohin kasi pag totoo ’yan, we cannot risk. Hindi natin puwedeng i-risk na magpasukan talaga,” aniya.

Ayon kay Angara, maaaring humantong sa administrative at criminal liability ang paggawa ng false threats.

“These are very serious violations. May criminal pa ’yan,” sabi niya.

Dagdag pa ng kalihim, kabilang sa posibleng parusa sa mga estudyante ang suspension, dismissal, o expulsion.

“Puwedeng expulsion, puwedeng suspension, puwedeng dismissal (sa students),” ani Angara.

Sinabi rin ng Education chief na makatutulong ang karagdagang security measures gaya ng mas mataas na police visibility, dagdag na security guards, metal detectors, perimeter fencing, at closed-circuit television cameras upang maiwasan ang kahalintulad na mga insidente.

“I think so. Na-appreciate nila ’yung dagdag na police visibility. ‘Yung additional security guard definitely makakatulong,” pahayag niya.

Nang tanungin kung maaaring konektado ang mga kamakailang insidente, sinabi ni Angara na humingi na ng tulong ang Department of Education sa Philippine National Police at Department of Information and Communications Technology, dahil wala umanong kakayahan ang DepEd na mag-monitor ng online groups.

“Medyo bago sa amin itong narinig namin… Wala kaming capacity to really monitor the concerted action of terrorist groups, online groomers,” aniya.

Ayon kay Angara, nakatanggap kamakailan ang DepEd ng briefing na may ilang online groups na aktibong nangangalap ng mga bata sa pamamagitan ng digital platforms.

“So that’s why nananawagan kami sa mga magulang na bantayan ang online screen time ng mga bata… Kala nila bata ang kausap nila sa Roblox, wala, terrorist groomer na pala,” sabi niya.

Hinimok din ni Angara ang mga magulang na bantayang mabuti ang online activities ng kanilang mga anak, lalo na dahil maraming interaksyon ang nangyayari sa labas ng school hours kung kailan wala nang direktang superbisyon ang DepEd.

Ang pahayag ni Angara ay kasunod ng ilang insidente sa mga paaralan, kabilang ang fatal shooting sa isang public high school sa Tacloban City, pananaksak sa Zamboanga City, at false online threat na nagdulot ng panic sa Bagong Silangan High School sa Quezon City. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here