Home METRO Malalakas na ulan nagpabaha sa Mindanao; tulay sa South Cotabato nawasak sa...

Malalakas na ulan nagpabaha sa Mindanao; tulay sa South Cotabato nawasak sa ragasa

1
0

MANILA, Philippines — Nagdulot ng pagbaha sa ilang bahagi ng Mindanao ang malalakas na ulan, kabilang ang mga barangay sa Iligan City at Maguindanao del Sur, habang winasak naman ng rumaragasang tubig-baha ang isang tulay sa T’boli, South Cotabato.

Sa Maguindanao del Sur, binaha nitong Miyerkules ng gabi, Hulyo 1, ang ilang bahagi ng Barangay Papakan sa Sultan sa Barongis, kung saan may mga bahay na lumubog sa baha at ilang residente ang gumamit ng bangka upang makatawid sa apektadong lugar.

Sa Sitio Dundungen, umabot sa baywang ang baha sa mga daanan kaya napilitang lumipat sa ibang bahay ang ilang residente. Umabot din sa tuhod ang baha at pumasok sa ilang bahay sa Barangay Caridad bago ito unti-unting humupa.

Ayon sa PAGASA, dulot ng southwest monsoon o Habagat, na pinalakas ng Tropical Storm Henry, ang mga pag-ulang naranasan sa lugar.

Sa Iligan City, muling binaha ang ilang kalsada dahil sa malakas na ulan. Sa Barangay Acmac, umangat ang tubig-baha nang lagpas sa gutter level, habang sa Barangay Hinaplanon, mistulang maliliit na sapa ang ilang kalsada dahil sa pag-apaw ng tubig.

Ayon sa Iligan City Disaster Risk Reduction and Management Office, naapektuhan ng street flooding ang Barangays Del Carmen, Pala-o, Hinaplanon, Poblacion, at Acmac.

Sinabi ng mga awtoridad na walang naitalang pinsala mula sa pagbaha sa Iligan at mabilis ding humupa ang tubig. Ang pag-ulan doon ay iniugnay sa localized thunderstorm.

Samantala, sumiklab ang sunog sa Barangay Tambacan pasado alas-10 ng gabi habang bumubuhos ang ulan. Umabot ito sa third alarm. Batay sa paunang datos ng Bureau of Fire Protection, nasa 18 bahay ang naapektuhan at hindi bababa sa 33 pamilya ang nawalan ng tirahan.

Wala namang naiulat na nasaktan sa sunog. Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi nito.

Sa T’boli, South Cotabato, tuluyang nasira ang isang lumang tulay dahil sa lakas ng rumaragasang tubig sa isang sapa kasunod ng malakas na ulan, batay sa ulat sa “Saksi.”

Naiulat din ang pagbaha sa Sultan Kudarat, habang ilang residente sa Maguindanao del Sur ang patuloy na apektado ng baha na tumagal na nang tatlong araw.

Ayon sa PAGASA, ang Habagat at localized thunderstorms ang nagdulot ng malalakas na ulan sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here