MANILA, Philippines — Ibinaba na sa heightened alert status ang National Capital Region Police Office nitong Biyernes, Hulyo 3, isang araw matapos mapayapang matapos ang rally ng Iglesia Ni Cristo sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.
Ayon kay NCRPO spokesperson Police Major Hazel Asilo, ibinaba mula full alert ang alert status matapos ang mapayapang pagtatapos ng INC rally nitong Huwebes ng gabi, batay sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB.
Sa ilalim ng full alert status, inaatasan ang lahat ng police units at personnel na panatilihin ang maximum readiness, habang ina-activate ang support forces at ipinapatupad ang mandatory coordination sa mga unit.
Sa heightened alert naman, kinakailangang mag-report sa duty ang lahat ng police personnel, kung saan ipinatutupad ng Philippine National Police ang 100 percent attendance upang matiyak ang maximum deployment.
Tinapos ng INC ang rally nitong Huwebes ng gabi matapos ipahayag ang suporta kay Sen. Rodante Marcoleta, na ayon sa Ombudsman ay nakatakdang sampahan ng kasong plunder kaugnay ng P75 milyon na campaign contributions na umano’y hindi niya idineklara sa kaniyang Statement of Campaign Expenditures.
Isinagawa ang unang dalawang araw ng protesta sa EDSA People Power Monument sa White Plains Avenue, Quezon City mula Hunyo 30 hanggang Hulyo 1, na nagdulot ng mabigat na trapiko. Inilipat naman sa Liwasang Bonifacio sa Maynila ang ikatlo at huling araw matapos bawiin ng Quezon City government ang permit ng grupo.
Nagpasalamat si Iglesia Ni Cristo spokesperson Edwil Zabala sa lahat ng nakiisa sa kilos-protesta.
“Salamat sa inyong lahat, sa pakikipag-isa sa mapayapang kilusan nating ito. Salamat sa inyong pagtitiyaga na kahit umuulan o mainit ang araw, ay narito pa rin kayo alang-alang sa ating mithiin,” pahayag ni Zabala sa video message na ipinalabas sa Net25.
Higit sa lahat, nagpapasalamat tayo sa Diyos at umaasang kung ano ang kanyang kalooban ay siyang makapangyayari. Naniniwala tayo na naiparating natin nang malinaw sa mga kinauukulan ang ating mensahe,” dagdag niya.
Dinaluhan ang protesta ng ilang personalidad na nagsalita laban sa umano’y korapsyon sa kasalukuyang administrasyon, kabilang sina Senator Imee Marcos, Batangas Representative Leandro Leviste, Senator Robin Padilla, at Marcoleta.
Ayon sa PNP, naging “generally peaceful and orderly” ang rally sa kabila ng “minor incidents” noong unang araw. Santi Celario