MANILA, Philippines – Hindi madaanan ang ilang kalsada sa Benguet dahil sa serye ng mga pagguho ng lupa sa malakas na ulan dulot ng bagyong Betty.
Ayon sa ulat, ilang bato ang bumagsak sa gilid ng bundok sa Governor Bado Dangwa National Road sa Kapangan, Benguet.
Nagsagawa naman ng clearing operation ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Benguet maging ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa iba pang lugar.
“May mga landslide na nangyari doon sa ganitong landslide. Mayroon din sa Lacamen Road. Ito ‘yung connecting ng municipalities ng Tublay at Bokod. May nahulog na malalaking bato,” ayon kay Abner Lawangen, Benguet PDRRMO Officer.
Samantala, dahil sa patuloy na pag-ulan, ilang ilog na sa probinsya ang nakapagtala ng pagtaas ng lebel ng tubig, kabilang ang
Balili River sa La Trinidad.
Hinikayat ng mga awtoridad ang mga residente malapit sa ilog na maging alerto.
“Napansin natin na most of our communities lumaki ang ating river. Bale warning na rin ito sa mga ilang LGU na nakakasakop ng mga ilog na ito,” dagdag ni Lawangen.
Samantala, madaraanan pa rin ang Marcos Highway sa mga turistang bibisita sa Baguio City. RNT/JGC