Home HOME BANNER STORY Ilang kalsada sa Maynila isasara sa Summer Pride Parade; traffic rerouting, ipatutupad

Ilang kalsada sa Maynila isasara sa Summer Pride Parade; traffic rerouting, ipatutupad

119
0

MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang nalalapit na Manila Summer Pride Parade 2026 na gaganapin sa Sabado, Abril 25, sa South Road, Ermita.

Ayon sa alkalde, magsisimula ang parada alas-4 ng hapon at dadaan ito sa Quirino Grandstand at magtatapos sa Remedios Circle, kung saan inaasahang magsasama-sama ang LGBTQIA+ community, kanilang mga kaalyado, pamilya, at iba’t ibang grupo mula sa lungsod.

Nabatid na tampok sa selebrasyon ang makukulay na floats, malikhaing kasuotan, drag performances, at iba’t ibang aktibidad na magpapakita ng suporta at pakikiisa ng komunidad.

Simula alas-2 ng hapon ay isasara ang ilang kalsada sa Maynila sa gaganaping Manila Summer Pride Parade, ayon sa Manila Public Information Office.

Isasara sa mga sasakyan ang P. Faura Street mula Taft Avenue hanggang Adriatico Street, at ang J. Bocobo Street mula San Andres Street hanggang Remedios Circle.

Magpapatupad ng rerouting upang maiwasan ang matinding trapiko. Ang mga sasakyang mula P. Faura Street ay maaaring kumaliwa o kumanan sa Taft Avenue papunta sa kanilang destinasyon. Samantala, ang mga manggagaling sa San Andres Street ay maaaring kumanan sa Ma. Orosa Street o dumiretso sa Roxas Boulevard service road.

Magpapatupad din ang mga awtoridad ng stop-and-go traffic scheme sa mga pangunahing interseksyon upang maayos ang daloy ng sasakyan.

Magkakaroon ng pansamantalang traffic control sa mga sumusunod na lugar:

-Roxas Boulevard / Kalaw Avenue

-Kalaw Avenue / M. H. Del Pilar Street

-M. H. Del Pilar Street / U.N. Avenue

-M. H. Del Pilar Street / P. Faura Street

-P. Faura Street / A. Mabini Street

-P. Faura Street / Adriatico Street

-Adriatico Street sa mga kanto ng Sta. Monica, Salas, Pedro Gil, Gen. Malvar, at J. Nakpil

Pinayuhan ng mga awtoridad ang mga motorista na magplano ng biyahe nang maaga at gumamit ng alternatibong ruta upang maiwasan ang abala.

Binigyang-diin ni Domagoso na ang nasabing parada ay hindi lamang simpleng pagdiriwang kundi isang malinaw na pahayag na ang Maynila ay naninindigan para sa dignidad, pagkakapantay-pantay, at ligtas na espasyo para sa lahat.

Samantala, sinabi ng Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM) na malaki ang naging ambag ng LGBTQIA+ community sa paghubog ng identidad ng lungsod, partikular sa sining, moda, nightlife, at entertainment.

Tinukoy rin ng ahensya ang makasaysayang papel ng Malate bilang sentro ng malikhaing kultura at inklusibong pamumuhay sa Maynila.

Dagdag pa ng DTCAM, ang pagdaraos ng parada ay nagpapatibay sa pangako ng lokal na pamahalaan na ipatupad ang mga ordinansa laban sa diskriminasyon at igalang ang karapatan ng bawat mamamayan anuman ang kanilang kasarian, identidad, o ekspresyon.

Personal ding inimbitahan ni Yorme Isko ang publiko na makiisa sa selebrasyon.

“Welcome po kayong lahat sa Maynila,” aniya.

Pinayuhan naman ang mga dadalo na sundan ang opisyal na Facebook page ng DTCAM para sa detalye ng ruta, paalala, at iba pang impormasyon kaugnay ng parada. RNT/MND/ JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here