MANILA, Philippines – Inatasan ng Sandiganbayan na humarap at tumestigo ang state witness na si dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo sa bail hearing ni dating Senador Ramon Bong Revilla Jr. at lima pa niyang co-accused kaugnay ng umano’y ₱92.8-milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Ito ay matapos magpatunay ang court doctor na si Dr. Warlin Basuel na may sakit si Bernardo, kabilang ang bronchitis, ngunit sinabi rin na siya ay “very cooperative” at handang magpa-examine.
Sa kabila nito, iniutos ng korte na kailangan pa rin siyang humarap kinabukasan. Ayon sa hukom, mahalaga ang kanyang testimonya at hindi dapat maantala ang proseso.
Binigyang-diin din ng korte na maaaring maharap si Bernardo sa contempt kung mapatunayang nagpapanggap lamang siya na may sakit.
“He is very cooperative, [and] he is willing to be examined,” ani Basuel.
“We require his presence [before the] court by tomorrow,” ayon kay Associate Justice Ronald Moreno.
Dagdag pa ng korte, dapat magsuot ng face mask si Bernardo sa kanyang pagharap.
Iginiit naman ng prosekusyon na hindi patas ang pagdududa sa kalagayan ng witness, ngunit sinabi ng korte na kailangan ito upang matiyak na walang sinumang magtatangkang hadlangan ang hustisya.
“His testimony was scheduled long ago. And then the [prosecution] counsel receives a text that he cannot testify. Hindi puede iyon,” ayon kay Associate Justice Karl Miranda. RNT/MND