Home NATIONWIDE Ilang mainstream media, pinuna ni VP Sara

Ilang mainstream media, pinuna ni VP Sara

1
0

MANILA, Philippines – Pinuna ni Vice President Sara Duterte ang ilang bahagi ng mainstream media sa Pilipinas at sinabing may mga organisasyon ng balita na negatibong inilalarawan siya at si dating Pangulong Rodrigo Duterte, habang inuuna umano ang kita kaysa kalidad ng pamamahayag.

Sa panayam sa The Hague noong Hulyo 30, sinabi ni Duterte: “Kung hanggang diyan lang ang kakayahan ng journalism sa Pilipinas, then hindi talaga uunlad ang ating bayan.”

Ayon sa kanya, mas malawak at mas malalim ang pag-uulat ng international media kaysa sa ilang lokal na media.

“Kung makita mo ang international media, kung paano sila mag-present ng balita, kung paano sila naghahanap ng mga bagay o mga aktibidad o mga pangyayari na ibabalita, napakalayo ng kalidad ng journalism sa ibang bansa ikumpara sa atin sa Pilipinas,” aniya.

Sinabi rin niya na may mga lokal na media outlet na nakatuon sa mga balitang negatibo tungkol sa kanya at sa kanyang ama.

“Sa atin sa Pilipinas, nakita n’yo kung paano mag-present, maglahad ng mga balita ang ating mga media outfits,” dagdag pa niya.

“Unfortunately, kung gagawin talaga natin araw-araw na Diyos ang pera, wala talagang pagbabago na mangyayari sa ating bansa. Sa journalism man, sa mainstream media man o sa iba’t ibang aspeto ng ating bayan,” ayon pa kay Duterte.

Ipinunto rin niya na ang social media ay nagbibigay ng alternatibong plataporma upang direktang marinig ng publiko ang mga pahayag at makita ang mga pangyayari.

“Buti na lang meron na tayong social media ngayon kung saan nakikita natin kung ano talaga yung katotohanan ng nakikita ng tao, na lumabas sa bibig ng tao,” aniya.

Hinimok din ng Bise Presidente ang mga Pilipino na pairalin ang bayanihan, disiplina, resilience, at pagiging makabayan.

“Nakakalungkot na marami sa ating mga Pilipino ang ginawang Diyos ang pera.”

“Dapat ang gawin nating guide sa ating pang-araw-araw ay yung pagiging Pilipino natin—bayanihan, disiplina, resilience, at iba’t iba pang magagandang asal ng Pilipino,” dagdag pa niya. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here