MANILA, Philippines- Ilang pasahero ang stranded nitong Lunes ng umaga sa gitna ng pagsasagawa ng transport groups na PISTON at MANIBELA ng nationwide transport strike upang muling tutulan ang Public Transport Modernization Program (PTMP) ng pamahalaan.
Sa serye ng Facebook posts, ibinahagi ng MANIBELA ang mga larawan ng stranded na mga pasahero sa Novaliches, Las Piñas, Caloocan, Pasig, at Cavite.
Sinabi ni PISTON president Mody Floranda sa isang panayam na bandang alas-6:21 ng umaga, sinimulan ng mga raliyista na magtipon sa iba’t ibang lugar sa National Capital Region (NCR) at mga karatig-lalawigan.
“Ang tinatantsa po natin ay aabot ito sa mga 80% to 90% yung lalahok sapagkat ito naming pagkilos na ito ay hindi lamang doon sa mga hindi nag-consolidate kundi mismo yung mga nag-consolidate na mga kooperatiba ay nagpaabot sa akin na sila ay makiisa at sasama dito sa magaganap na pagkilos nga po,” wika niya.
Nasa 70,000 PISTON members ang makikilahok sa kilos-protesta, batay sa ulat. Samantala, sinabi ng MANIBELA na halos 100,000 miyembro nito ang makikiisa sa transport strike.
Inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Linggo na handa ito sa two-day transport strike na inorganisa ng PISTON at MANIBELA.
Sinabi ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III na nakipag-ugnayan na ang ahensya sa kaukulang government agencies at local government units (LGUs) para sa kinakailangang paghahanda, kabilang ang libreng sakay. RNT/SA