Larawan mula sa Facebook page ng K5 News FM Kalibo 94.5
MANILA, Philippines- Nasa 164 indibidwal ang stranded sa Camarines Sur at Masbate ports simula umaga ng Miyerkules, Hulyo 24 dahil sa bagyong Carina.
Sinabi ng Office of Civil Defense (OCD) Bicol na karamihan sa stranded na pasahero ay sa Pasacao port kung saan 110 sa kanila at apat na rolling cargoes ay hindi pinayagang maglayag.
Samantala, 54 pasahero na stranded sa Masbate ang iniulat din ng OCD.
Mula sa bayan ng Mobo ang tig-50 pasahero habang dalawa ang stranded sa Aroroy at San Jacinto sa Ticao Island.
Walang tropical cyclone wind signal na itinaas sa buong Camarines Sur at Masbate ngunit ang sea travel sa dalawang probinsya ay kinansela dahil sa sama ng panahon.
Nitong Martes, 97 pasahero sa Tabaco City sa Pabay ang stranded ngunit nakapaglayag sa Catanduanes nang magpatuloy ang biyahe nitong Miyerkules ng umaga.
Samantala, iniulat ng PCG na kabuuang 354 pasahero, truck drivers at cargo helpers ang stranded sa mga pantalan sa Luzon hanggang nitong Miyerkules ng umaga dahil sa epekto ng bagyong Carina at hagupit ng Habagat.
Ayon sa PCG, ang naturang bilang ay naitala mula hatinggabi hanggang alas-4 ng madaling araw .
Sa 354 indibidwal, 209 ang stranded sa Southern Tagalog ports at 145 sa Bicol ports.
Base sa pinakahuling cyclone update ng state weather bureau, huling namataan ang bagyong Carina 290 kilometers northeast ng Itbayat, Batanes
Pinalakas din ng bagyong Carina ang southwest monsoon na inaasahang magdadala ng katamtaman hanggang sa matinding pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon mula Miyerkules hanggang Biyernes. Jocelyn Tabangcura-Domenden