MANILA, Philippines- Dose-dosenang Pilipino ang kabilang sa 150 manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa sunog sa isang pabrika ng kompanya sa Alberta, Canada.
Nawalan ng trabaho sa June 17 fire sa Sunterra meat processing plant sa Trochu ang 150 empleyado, karamihan sa kanila ay temporary foreign workers.
Nagpaabot na ang Filipino community leaders mula sa Red Deer at Calgary ng monetary at in-kind assistance sa mga apektadong emepleyado at kanilang mga pamilya.
Hiniling din nila sa ibang grupo at asosasyon na makiisa sa pagtulong sa mga kapwa-Pilipino at iba pang lahi.
“They are facing difficulties because they lost their jobs and the situation they’re in,” pahayag ni Nieva Rosales ng Fil-Canadian Association of Red Deer District. “Our officials and the community need to step in.”
Binisita naman ng mga kinatawan mula sa Philippine Consulate General sa Calgary ang apektadong Sunterra employees. Nangako rin silang magsasagawa ng outreach sa bayan.
Walang nasaktan sa insidente subali naiulat na kahina-hinala ang sanhi nito.
Samantala, sinabihan ang mga empleyadong aabutin ng ilang buwan bago muling buksan ang planta, habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon. RNT/SA