Home METRO Ilang shipping line, nagtaas-pasahe

Ilang shipping line, nagtaas-pasahe

249
0

MANILA, Philippines – Ikinagulat ng ilang pasahero ang pagtaas ng pamasahe — mula sa dating P542 ay naging P650 — sa Archipelago Philippine Ferries Corporation para sa biyahe papuntang Oriental Mindoro noong nakaraang linggo.

Ang FastCat, na pag-aari ng Archipelago Philippine Ferries Corporation, ay kabilang sa mga unang shipping line na nagtaas ng pamasahe dahil sa pagtaas ng presyo ng fuel na dulot ng tensyon sa Middle East.

Samantala, inanunsyo ng Starlite Ferries na simula Marso 10 ay tataas ng 25% ang pamasahe ng pasahero at cargo rates.

Magpapatupad naman ang Montenegro Shipping Lines ng 10% hanggang 25% fare increase sa lahat ng ruta sa bansa simula Marso 23.

Dagdag pa ito sa gastos ng mga pasaherong uuwi sa kanilang probinsya ngayong nalalapit ang Holy Week, lalo na matapos doblehin ang terminal fee sa Batangas Port mula ₱30 naging ₱60 noong Enero.

Sa ruta ng Montenegro Shipping Lines mula Batangas papuntang Calapan, tataas ang pamasahe sa ₱600 mula ₱528.

Tataas din ang singil sa rolling cargoes, kabilang ang mga sasakyan.

Ayon kay Christopher Pastrana, chairman ng Philippine Interisland Shipping Association (PISA), pinag-aaralan ng mga miyembrong kumpanya ang 20% hanggang 30% fare increase dahil hindi na nila kayang tustusan ang mataas na presyo ng fuel.

Aniya, malaki ang itinaas ng presyo ng fuel matapos sumiklab ang tensyon sa Middle East.

“Sa Northern Samar noong nakaraang linggo, ang bili lang namin bago sumiklab ang kaguluhan sa Middle East … is around P53. Noong isang araw, P80 na. Kahapon may naglabas ng memo na mag-P90 na po sila. Ang masaklap ho, buti sana kung yung presyo lang eh, pinag-uusapan natin yung ibang lugar ayaw na magbenta kasi wala daw silang supply,” saad ni Pastrana.

Iminungkahi ni Pastrana na pansamantalang alisin ang excise tax sa fuel at bawasan ang iba pang buwis at singil sa mga shipping company.

“Tumulong din po ang ating government agnecies na huwag munang maningil ng kanilang sobrang taas na charges na nakakadagdag sa gastos, saka ho siguro pati yung corporate income tax medyo bawas-bawasan muna bigyan muna tayo ng reprieve gaya ho ng ginawa nila noon pandemic,” aniya.

Binigyang-diin niya na mahalaga ang tulong ng gobyerno dahil humigit-kumulang 90% ng mga produkto sa bansa ay dinadala sa pamamagitan ng mga barko, kabilang ang pagkain at agricultural products na ipinapadala sa iba’t ibang isla.

Dagdag pa niya, pinag-aaralan din ng ilang shipping line ang pagbabawas ng ferry trips, lalo na kung mababa ang bilang ng pasahero, upang makatipid sa fuel. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here