Home NATIONWIDE Ilegal na operasyon ng POGO sa Pinas wawakasan ng PAOCC ngayong taon

Ilegal na operasyon ng POGO sa Pinas wawakasan ng PAOCC ngayong taon

MANILA, Philippines- Tiniyak ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na uubusin nito ang lahat ng illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) activities na patuloy na naglilipana sa bansa.

Sa katunayan, patuloy na tinutugis ng PAOCC ang 11,000 illegal workers na nagsasagawa ng scamming activities.

Sinabi ni Undersecretary Gilbert Cruz, executive director ng PAOCC, na kayang walisin ng gobyerno ang illegal POGO activities sa loob lamang ng isang taon.

“Kakayanin within the year na maubos na iyan. Unti-unti lang po. Iyan naman ang ginagawa natin, hindi tayo tumitigil. is new, that is why we needed a new Executive Order for this,” ang sinabi ni Cruz.

Matatandaang pormal na nilagdaan ni Pa­ngulong Marcos ang EO 74 noong Nobyembre 5 na nagbabawal sa lahat ng Pogos sa bansa ma­ging ang aplikasyon at pag-renew ng lisensya.

Sa nagpapatuloy na kampanya nito laban sa illegal POGOs, sinabi ni Cruz na sanib-pwersa ang PAOCC at ang National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), the Bureau of Immigration (BI), Securities and Exchange Commission (SEC), at Anti-Money Laundering Council (AMLC).

“Malaki kasi ang kita. Kaya nilalaban nila ang malaking kita na huwag mahuli,” aniya pa rin.

Ani Cruz, sinabi ng BI na mayroon pang 11,000 na mga dating POGO workers ang nananatili sa bansa. Ang mga ito ay kalat-kalat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Kung napansin n’yo, may nahuhuli kami sa Cavite, sa parte ng Laguna and meron sa Metro Manila. Ang napapansin ko hindi talaga sila lumalayo. Ang pinupuntahan nila ‘yung ‘hiding in plain sight’. Siyempre foreign nationals sila, doon sila sa mga lugar na parang normal lang na makakita ng foreign nationals doon – sa mga hotels o resorts,” pahayag ni Cruz.

Aniya, ang lahat ng dayuhang ito ay hindi na nag-renew o nag-downgrade ng kanilang visa at nag-ooperate sa mga establisimyento nang walang balidong permit at internet gaming licenses.

Mula sa kanilang scamming operations sa loob ng napakalaking POGO compounds, lumipat ang mga ito sa small-scale activities, at isa na aniya rito ay ang love scams.

Mayroon din aniyang insidente ng kidnapping at torture kung saan may nailigtas na mga dayuhang biktima ang PAOCC.

Samantala, patuloy namang mino-monitor ng PAOCC ang mga lugar sa iba’t ibang lokasyon kabilang na ang Northern Luzon, bahagi ng National Capital Region, Southern Luzon, at Visayas. Kris Jose