Home NATIONWIDE Ballot printing para sa BARMM polls inihinto ng Comelec

Ballot printing para sa BARMM polls inihinto ng Comelec

MANILA, Philippines- Ipinagpaliban ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-imprenta ng mga balota para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliamentary elections kasunod ng desisyon ng bicameral conference committee na ilipat ang botohan sa Oktubre 13, 2025, inihayag ni Comelec Chairperson George Garcia noong Linggo.

Sa kabila nito, kinumpirma ni Garcia na ang pag-imprenta ng balota para sa national at local elections sa BARMM ay nagpapatuloy.

Ang Comelec ay nakapag-imprenta ng humigit-kumulang 32 milyong balota—42% ng kabuuang kinakailangan para sa halalan sa Mayo 12 .

Nauna nang inanunsyo ng komisyon na ang pag-print ay matatapos sa Marso, na may nakatakdang verification para sa Abril.

Kung maisasabatas ang panukalang naglilipat sa BARMM parliamentary elections sa Oktubre 13, susuriin ng Comelec kung pananatilihin ang umiiral na listahan ng mga kandidato o kung kailangan ng panibagong paghahain ng kandidatura.

Sa ilalim ng Bangsamoro Electoral Code, pito sa 80 parliament seats ang inilaan sa Sulu.

Gayunman, matapos panindigan ng Korte Suprema ang konstitusyonalidad ng Bangsamoro Organic Law noong Setyembre, ipinasya nito na ang Sulu ay hindi na bahagi ng BARMM.

Ang desisyong ito ay nangangailangan ng muling pamamahagi ng mga bakanteng pwesto.

Ayon sa Comelec, 109 aspirants ang naghain ng kandidatura para sa district representative seats sa 2025 Bangsamoro polls. Jocelyn Tabangcura-Domenden