NEGROS OCCIDENTAL, Philippines – Nadiskubre ng Negros Island Region Police Office (NIRPO) ang isang hinihinalang ilegal na warehouse ng paggawa ng sigarilyo sa Barangay Calumangan, Bago City noong Martes ng umaga, ayon kay PBGen Arnold Thomas Ibay.
Ayon sa ulat, isinagawa ang joint operation bandang alas-10 ng umaga sa Purok Rosas kung saan natuklasan ang warehouse na umano’y ginagamit sa paggawa ng iligal na sigarilyo.
Nasa lugar ang isang Chinese national, kasama ang walong iba pang Chinese nationals na hindi pa nakikilala, at apat na Pilipinong manggagawa.
Nakumpiska sa lugar ang tatlong loader machines, tatlong packaging machines, at iba pang kagamitan na ginagamit sa paggawa ng iligal na sigarilyo.
Humingi na ng tulong ang mga awtoridad sa Bureau of Internal Revenue (BIR) Region 12 para sa inventory, pagmamarka, dokumentasyon, at tamang disposisyon ng mga nakumpiskang gamit.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong lawak ng operasyon, kabilang ang pagkakakilanlan ng mga dayuhan at ang network ng distribusyon ng mga iligal na produkto.
Isinagawa ang operasyon ng pinagsamang pwersa ng Regional Intelligence Division (RID) ng PRO-NIR, CIDG RFU NIR, Provincial Intelligence Unit ng NOCPPO, Maritime Police Station NIR, at National Tobacco Administration (NTA), sa pangunguna ng Business Permits and Licensing Office ng Bago City. RNT/MND