MANILA, Philippines – Iginiit ni Vice President Sara Duterte na malinis ang kanyang record sa serbisyo at lahat ng kanyang pera at ari-arian ay mula sa lehitimong pinanggalingan at may kaukulang dokumento.
Ito ay kasunod ng muling pahayag ni dating Sen. Antonio Trillanes IV sa House justice panel impeachment hearing na umano’y nakatanggap ang bise presidente at ilang miyembro ng kanyang pamilya ng ₱181 milyon mula sa isang sinasabing drug lord.
Ayon kay Duterte, inuulit lamang ni Trillanes ang parehong paratang mula pa noong 2016, at ngayon ay may “machinery” na umano na sumusuporta rito.
“Simple lang ang sagot ko sa lahat ng paninira. Malinis ang aking service record; hindi ako kailanman nagkaroon ng kaso sa paggamit ng pondo ng bayan,” ani Duterte.
“Lahat ng aking ari-arian at pera ay idineklara ko sa aking SALN. Ang bawat sentimo ay mula sa lehitimong pinanggalingan at may kaukulang dokumento,” dagdag niya.
Inakusahan din niya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ilang kongresista, COA, at AMLC bilang bahagi umano ng “machinery” laban sa kanya.
Ayon pa kay Trillanes, mula sa ₱181 milyon na galing umano sa isang “Sammy Uy,” may bahagi raw na napunta kay Duterte, sa kanyang pamilya, at sa ilang kaanak.
Nagbabala naman si Duterte sa publiko na huwag magpalinlang sa “noise” ng impeachment proceedings at iginiit na ang tunay na mga magnanakaw ay hindi umano naglalagay ng pera sa bangko kundi sa “maleta.” RNT/MND