Home NATIONWIDE Malakanyang kay VP Sara: travel authority kadalasang ibinibigay isang araw bago byahe

Malakanyang kay VP Sara: travel authority kadalasang ibinibigay isang araw bago byahe

94
0

MANILA, Philippines – “Ibigay ang hilig ng walang ligalig.”

Ito ang naging tugon ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang nang tanungin kung bakit inaprubahan ng Office of the President (OP) ang request ni Vice-President Sara Duterte na 22 araw na pagbyahe nito sa ibang bansa.

Pinalagan ni Castro ang tila gustong palabasin ng kampo ni VP Sara na sinadya ng OP ang last minute na pag-apruba sa travel authority ng Bise-Presidente.

Ang paliwanag ni Castro, Abril 14 nang mag-request si VP Sara para sa kanyang nasabing byahe sa ibang bansa kung saan kadalasan, umaabot ng limang business days ang proseso ng ganitong uri ng request.

“Normally po, mga five working days inaayos at ‘pag ang Bise Presidente naman ang humihiling, hindi naman iyan tinatanggihan, so hindi po dapat siya isyu. So, ang isyu na lang dito sabi nga natin ‘we expedite the travel request’, we usually expedite the processing of the travel request, what matters most now ‘no, bakit nagbago ang isipan ni Pangulo or rather ni dating—ni Bise Presidente, what made her change her mind is the 6.7 billion question,” ang litaniya ni Castro.

Kapareho lamang aniya ito ng proseso sa ibang opisyal na nagre-request din ng travel authority.

“Ang Bise Presidente ayon naman po sa records ay nakakatanggap po ng dokumento para sa travel authority niya a day before    her intended vacation. So, hindi naman po siya tinanggihan. Wala pa sa record na kapag siya ay nag-request ng pagbabakasyon or personal trip ng mahabang araw o mahaba na panahon na siya ay tinanggihan. So, para sabihin na last minute resolution or decision ito, hindi po ganoon. Dahil iyon po palagi, normally nangyayari  po ang pagbibigay sa kanya ng travel authority a day before,” ang paliwanag ni Castro.

Samantala, kinontra naman ni Castro ang sinabi ni VP Sara na hindi dapat isinasapubliko ang pag-apriba sa kanyang travel authority, tinukoy ang security concerns.

Ang naging tugon ni Castro ay “Siya po ay isang public servant, hindi po  siya pribado, hindi po maitatago  ang mga bagay-bagay na nais niyang itago. May mga bagay na dapat nalalaman ng publiko dahil siya ay isang public servant.”

“Katulad nga po nito, sa gitna na krisis sa Middle East, sa gitna ng mga bilyones na isyu na nakapaloob ngayon sa Bise Presidente at sa kanyang asawa. Kung kayo ang tatanungin, kung kayo ang Bise Presidente, nararapat ba na magbakasyon, kung iyan  po ang nais niya na magbakasyon at mag-World Tour, ibigay ang hilig,  considering na wala naman siyang (unclear) wala rin namang precautionary hold departure order. So, iyon lamang po,” aniya pa rin.

At nang hingan naman ng mensahe si Castro para kay VP Sara, ang naging tugon ng una ay “Ako magmemensahe sa kanya, ako talaga? Unang-una, hindi kailangan bigyan ng mensahe ang Bise Presidente, unang-una malaki na po siya. Pangalawa, Bise Presidente po siya, public servant siya, so sabi niya isinusulong niya ang accountability and transparency, siya po ang dapat na makaalam kung anong dapat niyang gawin, kung paano ito ipapaliwanag sa taumbayan. So, ‘di niyan po kailangan ang anumang mensahe mula sa Palasyo.” (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here