RIZAL, Philippines – Sinalakay ng mga awtoridad ang isang umano’y malawak na ilegal na paggawa at distribusyon ng mga hindi rehistradong at delikadong cosmetic products sa Antipolo City, Rizal.
Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng National Bureau of Investigation, Food and Drug Administration, at Antipolo Business Permit and Licensing Office sa Barangay San Jose noong Marso 25.
Ayon sa imbestigasyon, nagsimula ang operasyon matapos magreklamo ang tatlong biktima na nakaranas ng sugat at masamang epekto mula sa mga produktong nabili online.
Natukoy ng mga awtoridad ang social media accounts na umano’y nagbebenta ng mga produkto tulad ng sabon at hair treatment na may hindi beripikadong health claims. Naaresto rin ang taong nasa likod ng “Dimple Soaps” online stores.
Nakumpiska sa raid ang iba’t ibang produkto kabilang ang mga sabon at hair rebonding treatments na wala umanong tamang lisensya at hindi rehistrado sa FDA.
Giit ng mga awtoridad, mapanganib ang paggamit ng mga hindi aprubadong cosmetic products dahil maaari itong magdulot ng paso sa balat, impeksyon, at iba pang komplikasyon sa kalusugan. RNT/MND