MANILA, Philippines – MAHIGIT P8 milyon halaga ng imported na oranges o dalandan ang naharang ng Bureau of Customs (BOC) sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture (DA) makaraang pumasok ito sa bansa ng labag sa batas.
Ayon sa BOC, ang nasabing produktong agrikultura ay nagmula sa bansang Thailand na nasa 3,200 karton na nagkakahalaga ng P8.422 milyon, ay naharang sa Manila International Container Port (MICP) matapos malaman na hindi rin sakop ng kinakailangang import sanitary clearance mula sa Bureau of Plant Industry.
Nabatid na napigil ang iligal na pag-aangkat ng nasabing kontrabando makaraang makatanggap ng impormasyon mula sa Bureau of Plant Industry (BPI) ng Department of Agriculture (DA) na kulang ang ito ng mandatoryong Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC).
Ang agarang aksyon ng mga awtoridad ay humadlang sa pagpasok ng mga imported na dalandan na hindi lamang itinuturing na hindi ligtas para sa pagkonsumo ng tao ngunit naglalagay sa panganib sa lokal na ekolohiya ng bansa dahil sa kawalan ng kinakailangang SPSIC na nangangalaga sa hangganan ng bansa laban sa posibleng pagpasok ng mga infested at/o kontaminadong produktong agrikultura.
Ang mga nakumpiskang dalandan ay sasailalim sa condemnation proceedings alinsunod sa DA Department Order No. 09, series of 2010, upang matiyak na ang nasabing mga kalakal ay hindi makakarating sa lokal na pamilihan. JAY Reyes