Home HOME BANNER STORY Freeze order sa assets ni Quiboloy pinalawig ‘gang Feb. 2025

Freeze order sa assets ni Quiboloy pinalawig ‘gang Feb. 2025

MANILA, Philippines – Pinalawig pa ng Court of Appeals ang freeze order sa bank accounts at mga ari-arian ng founder ng Kingdom of Jesus Christ na si Apollo Quiboloy hanggang Pebrero 2025.

“I think the Court of Appeals ordered the extension of the freeze order up to February 2025. However, we do not have a copy of that,” ayon kay Atty. Dinah Tolentino ng KOJC sa press conference nitong Huwebes, Agosto 29.

Kalaunan ay kinumpirma ito ng Anti-Money Laundering Council.

“In the Resolution dated 20 August 2024, the Court of Appeals extended the Freeze Order for 6 months from date of issuance or until 6 February 2025,” sinabi ng AMLC sa isang pahayag.

Matatandaan na nag-isyu ang CA ng 20-day freeze order na may petsang Agosto 6 laban sa 10 bank accounts, pitong real properties, limang sasakyan at isang eroplano ng puganteng pastor na si Quiboloy.

Sakop din nito ang bank accounts ng KOJC at Swara Sug Media Corporation, na nag-ooperate ng Sonshine Media Network International, ang media arm ng KOJC.

Sa 48-pahinang resolusyon, sinabi ng korte na nakita nila ang ‘reasonable ground’ para paniwalaang ang bank accounts ni Quiboloy ay
“linked to unlawful activities and predicate crimes” katulad ng qualified human trafficking, sexual at child abuse, sex trafficking ng mga bata, fraud, conspiracy, marriage fraud, smuggling, at money laundering.

Sa ngayon ay pinaghahanap pa rin ang self-appointed son of God na nahaharap sa mga reklamong paglabag sa Section 5(b) ng Republic Act 7610, o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act, at sa ilalim ng Section 10(a) sa Quezon City court.

Nahaharap din ito sa non-bailable qualified human trafficking charge sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act 9208, na inamyendahan sa Pasig court. RNT/JGC