Home HOME BANNER STORY Kasong attempted homicide planong isampa ng MMDA vs drayber sa viral Taguig...

Kasong attempted homicide planong isampa ng MMDA vs drayber sa viral Taguig incident

MANILA, Philippines – Naghahanda na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para magsampa ng kasong attempted homicide laban sa drayber na sangkot sa viral traffic incident sa Taguig City, ayon kay MMDA acting chairperson Romando Artes nitong Huwebes, Agosto 29.

Sa dashcam footage na viral ngayong sa social media, makikita ang isang traffic enforcer na nasa hood ng humaharurot na sasakyan sa kahabaan ng Lawton Avenue.

Sinusubukan ng drayber na tumakas sa insidenteng kinasangkutan sa Taguig City.

Ani Artes, bumisita na ang drayber sa opisina ng MMDA para ipaliwanag ang kanyang panig at humingi ng tawad sa enforcer.

“In the coming days, we’re preparing criminal complaints…Baka mag-file kami ng attempted homicide dito sa driver ng nasabing sasakyan,” anang MMDA chief.

“Ipu-pursue namin ang kaso kahit siya ay pumunta rito at humingi ng tawad. Nagsabi rin siya na mag-iissue ng public apology,” dagdag niya.

Naghain na rin ang MMDA ng mga reklamo kasama ang Land Transportation Office (LTO), na mag-iisyu ng show cause order (SCO) laban sa motorista.

Samantala, inalala ng motorcycle rider na sangkot sa insidente kung paano niya hinabol ang drayber na tumakas matapos siyang i-sideswipe.

Dito na napansin ng tauhan ng MMDA ang insidente sa East Service Road kung kaya’t sinubukang pahintuin ang motorista para ayusin ang isyu subalit tumakas pa ito dahilan para mabangga siya.

Sa pagkakataong ito ay umakyat na ang enforcer sa hood ng sasakyan.

“Habang ina-assist ko sila, nagulat ako sa ginawa niyang reaction. Ginawa niya binangga-bangga niya ako…ang na-instinct ko n’un, sasagaan niya ako. Kaya ang ginawa ko imbis na masagasaan, napahawak ako sa hood,” pahayag ng enforcer sa panayam ng GMA News.

“Habang pinapatakbo niya, zini-zigzag niya ang sasakyan. Parang gusto niya malaglag. Kumapit na lang ako para hindi malaglag,” dagdag pa.

Nagpatuloy ang drayber hanggang Villamor Airbase at bumagal sa bahagi ng SLEX southbound exit.

Dito na nakababa ang MMDA personnel.

“’Yung ginawa niya sa akin po, hindi pwedeng patawarin eh…Gusto ko po siyang makulong,” anang enforcer.

Nanawagan naman si Artes sa mga motorista na igalang ang mga enforcer. RNT/JGC