Home NATIONWIDE Illegal recruitment firm ikinandado ng DMW

Illegal recruitment firm ikinandado ng DMW

MANILA, Philippines- Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang immigration consultancy company dahil sa pagkakasangkot sa illegal recruitment.

Ang apat na sangay ng kompanya sa Mandaluyong, Cabanatuan sa Nueva Ecija, Lipa sa Batangas at Apalit sa Pampanga ay plinasteran ng DMW.

Ayon kay DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac, walang permit ang kompanya mula sa DMW para sa recruitment purposes.

“Ang depensa nila permament residency track sila, hindi OFW ang mga kliyente nila, pero that’s beside the point. Kasi kung permandent resident, dapat trabaho nila visa consultacy lang… Pero ibang usapin yun aalukin mo ng trabaho na hindi naman permanent resident ang status,” giit ni Cacdac.

Ayon sa opisyal, nagpadala sila ng poseur applicants sa ahensya na kunwari ay nag-aaplay ng trabaho.

Nagkaroon sila ng walong survellaince activities at napatunayan aniya na nag-aalok ng trabaho ang ahesya para sa Canada at humingi pa ng placement fee, na ilegal din.

“Iba-iba yung positions: caregiving, truck driver, nurse aide, HR manager, factory worker. Humihingi ng P110,000 professional fee,” sabi ni Cacdac.

Ayon naman kay Migrant Workers Protection Bureau Director IV Geraldine Mendez , sinabihan din ang mga aplikante na maaari nilang bayaran ang fee ng installment ngunit mas mataas ang overall fee.

Ayon kay Mendez, mino-monitor nila ang social media sites dahil maraming illegal recruitment messages o videos ang nai-post online. Nakipag-ugnayan na rin sila sa Facebook at TikTok para matanggal ang mga ilegal na post.

Hinimok ni Cacdac ang publiko na maging maingat sa mga recruitment agency at alamin kung may permit ang mga ito.

Ang closure case ng kompanya ay ipadadala sa Department of Justice para sa prosekusyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden