Home NATIONWIDE Illegal recruitment sa mga Pinoy sa ‘POGO-like’ hubs sa ibang bansa tinatalupan...

Illegal recruitment sa mga Pinoy sa ‘POGO-like’ hubs sa ibang bansa tinatalupan ng DMW

MANILA, Philippines- Ibinunyag ng Department of Migrant Workers (DMW) na isa sa 12 biktima ng human trafficking na pawang pinauwi kamakailan matapos silang iligtas mula sa isang sindikato sa Myanmar ay lumabas na isang ilegal na recruiter para sa mga online gaming hub sa ilang bahagi ng Southeast Asia.

Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na ang illegal recruit ay naaresto na, at ngayon ay sentro ng all-out investigation na naglalayong tukuyin ang mga tao at grupo sa likod ng recruitment ng mga Filipino para sa isang Philippine Offshore Gaming Operator-like operation sa Myanmar, Laos at Cambodia.

Ayon kay Cacdac, ang insidenteng ito ay nagpapakita na may modus na ang mga illegal recruiter na nagpapanggap na biktima ng trafficking at lumilipad kasama ng mga lehitimong recruit at nakikihalubilo sa mga distressed OFW sa panahon ng repatriation.

Sinabi naman ni DMW Undersecretary for Licensing and Adjudication Services Bernard P. Olalia na ang modus ay pangangakuan ng disente at high-paying jobs ngunit ang mga na-recruit ay nauwi sa pagmamaltrato sa mga hub na mala-POGO.

Sinabi ni Olalia na nilalayon ng imbestigasyon na ilantad ang sindikato sa likod ng recruitment at gumawa ng mga hakbang upang maiwasan ang recruitment at deployment ng mga Pilipino.

Ayon sa kanya, isa sa mga hakbang ay ang paglalagay ng isang labor attaché sa Thailand na siyang mangangasiwa sa koordinasyon sa mga awtoridad ng gobyerno– at kasama rito ang Cambodia, Myanmar at Laos sa kawalan ng tanggapan ng Philippine Labor Attaché sa tatlong bansa.

Ibinunyag din ni Olalia na may iba pang mga overseas Filipino worker (OFWs) sa Thailand na naghihintay na mapauwi at kinukumpleto pa ang kanilang mga dokumento dahil marami sa kanila ang nakatakas sa kanilang mga amo at naiwan ang kanilang visa at passport. Jocelyn Tabangcura-Domenden