MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Transportation (DOTr) noong Sabado na minamadali na nila ang proseso ng pagkuha ng ‘go signal’ ng gobyerno para sa mahigit P21 bilyong unsolicited proposal ng Villar group na i-rehabilitate at kunin ang operasyon ng Iloilo International Airport.
Sa kanyang pag-iinspeksyon sa Iloilo airport noong Sabado, tiniyak ni Transportation Secretary Vince Dizon sa mga alkalde at sa gobernador ng probinsya na pabilisin ng DOTr ang kasaluakuyang PPP [Public-Private Partnership] mula sa Villar Group upang matiyak ang sustainable development at growth ng airport para suportahan ang paglago ng lungsod.
Ang P21.16-bilyong unsolicited proposal ng Villar-led Prime Asset Ventures Inc. Consortium ay nasa ilalim pa rin ng negosasyon, batay sa project brief ng PPP Center.
Sa ilalim ng unsolicited proposal nito, ang Prime Asset Ventures Consortium ay naglalayon na “mapabuti ang management at operational capability ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng Iloilo International Airport sa pamamagitan ng Operate-Add-Transfer (OAT) contractual agreement.”
Samantala, sa naturang inspeksyon, muling pinagtibay ni Dizon ang pangako ng DOTr at CAAP sa pagpapahusay ng regional airport infrastructure.
Nananatiling nakatuon ang DOTr -CAAP sa pagbuo ng mas ligtas, mas mahusay at passenger-friendly airports sa buong bansa, na nagpapatibay sa papel ng mga regional aviation hub sa pagpapaunlad ng ekonomiya. Jocelyn Tabangcura-Domenden