BACOLOD CITY- Todas ang dating barangay chairman at live-in partner dahil sa mga tama ng bala ng baril sa ulo makaraang magkaroon umano ng putukan sa loob ng kanilang sasakyan, iniulat kahapon sa lungsod na ito.
Kinilala ang mga nasawi na sina Federico Gayagas Jr., 53-anyos, dating kapitan ng barangay Bacong, Bago City, at Carmelita Davilla, 44-anyos, residente ng Barangay Sum-ag Bacolod City.
Ayon kay Police Captain Andy Ofalia, station commander ng Bacolod City Police Station 9, bandang alas-8:45 ng gabi nang maganap ang krimen sa loob ng sasakyan ng maglive-in partner sa Bangga Tomaro, Brgy, Sum-ag ng naturang lungsod.
Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, nagmula sa loob ng sasakyan ang mga putok ng baril base sa trajectory ng mga bala sa labas ng butas ng sasakyan.
Napag-alaman ding bago ang insidente ay nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang dalawa na posibleng nauwi sa mainitang pagtatalo.
Sa pagresponde ng mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng insidente, naabutan na lamang nilang naliligo sa sariling dugo si Davilla at wala ng buhay habang dinala naman sa ospital si Gayagas Jr., subalit kalaunan at nalagutan din ng hininga habang ginagamot.
Narekober naman sa loob ng sasakyan na pag-aari ni Gayagas Jr. ang isang M16 rifle, 1-M203 grenade launcher at 9mm.
Sinabi pa ng pulisya, na noong September 2016 sa Barangay Taculing, nakabarilan ni Gayagas Jr. ang mga pulis na ikinasugat nito at kanyang kasama habang nasawi ang kanyang pinsan.
Taon 2017, nakaligtas naman si Gayagas Jr. sa mga hitman na umatake sa kanyang matapos siyang pagbabarilin sa loob ng manukan sa Bago City.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente. Mary Anne Sapico