Home METRO Iloilo-Manila flight naantala sa bomb joke

Iloilo-Manila flight naantala sa bomb joke

MANILA, Philippines- Inilikas ang nasa 176 na mga pasahero ng isang eroplano na patungong Maynila dahil sa isang “bomb joke” sa Iloilo City noong Martes, Marso 4.

Batay sa imbestigasyon ng Aviation Security Unit (AVSEU) 6, isang pasahero ang nagsabi sa isang kasama tungkol sa isang granada sa loob ng kanyang bag.

Nabatid na narinig ng isang tripulante ang nasabing pag-uusap at agad itong iniulat sa mga awtoridad.

Ayon kay Lieutenant Colonel Gazbamiller Guzman ng AVSEU 6, dinala nila sa kanilang kustodiya ang lalaking responsable sa bomb joke at agad nagsagawa ng clearing sa eroplano kung saan gumamit sila ng K-9. Matapos na ideklarang negatibo sa bomba ang nasabing eroplano ay agad nila itong ini-release.

Muling iginiit ng mga awtoridad na dapat iwasan ng mga pasahero ang paggawa ng anumang bomb joke.

“Sinisigurado namin ang security ng lahat ng eroplano, flight crews na walang mangyayari sa kanila. Kahit biro yan, we take it seriously,” ani Guzman.

Nahaharap naman ang suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree Number 1727, o ang Anti-Bomb Joke Law, na kasalukuyang nasa kustodiya ng AVSEU 6.

Nakasaad sa batas na ang suspek ay maaaring makulong ng humigit-kumulang limang taon at magmulta ng P40,000 kung mapatunayang nagkasala sa mga kaso. JR Reyes