Home HOME BANNER STORY Imbak na bigas ng Pinas titriplehin ng NFA

Imbak na bigas ng Pinas titriplehin ng NFA

MANILA, Philippines – Iniulat ng National Food Authority (NFA)  na patataasin nila at gagawing triple ang dami ng rice buffer stock sa pamamagitan ng bagong pricing scheme.

Sa isang panayam, sinabi ni NFA officer-in-charge Administrator Larry Lacson na ang mga bodega ng NFA ay nakakuha ng 2.8 milyong sako ng palay na may mas mataas na buying price range na nasa P17 hanggang P23 kada kilo ng sariwa o basang palay; at P23 hanggang P30/kg ng malinis at tuyong palay.

“Naging 126,000 MT (metric ton) of milled rice equivalent ang stocks natin. So more than triple ito doon sa dati nating stocks equivalent sa 45,000 MT ng milled rice,” ani Lacson.

Aniya, patuloy pa rin ang pagbili ng palay para masiguro ang 300,000 MT ng rice buffer stock target.

Samantala, sinabi ni Lacson na may sapat na stock ng bigas para sa nagbabantang La Niña phenomenon.

Binanggit ni Lacson ang naunang supply na ibinigay sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Office of the Civil Defense (OCD), gayundin ang pagkakaroon ng bigas sa pribadong sektor at mga kabahayan.

“Tingin ko hindi tayo dapat kabahan. Unang-una, mayroon kaming stocks na na-triple. So pag kailangan pa ng DSWD, OCD, makakapagbigay po tayo,” aniya pa.

Nakikipag-ugnayan din ang NFA sa Department of Agriculture (DA), Philippine Center for Post-harvest Development and Mechanization (PHilMech), pribadong sektor, at mga non-profit na organisasyon, bukod sa iba pa, para makakuha ng mga drying facility para sa ang tag-araw na panahon ng ani.

Hinikayat din ni Lacson ang mga kooperatiba ng mga magsasaka na makakuha ng kontrata sa NFA para sa mga drying facility. Santi Celario