Home NATIONWIDE PhilSA nagbabala: Debris ng rocket ng NoKor mahuhulog sa silangang Pinas

PhilSA nagbabala: Debris ng rocket ng NoKor mahuhulog sa silangang Pinas

MANILA – Nagbabala ang Philippine Space Agency (PhilSA) na ang mga debris mula sa isang rocket na inilulunsad ng North Korea sa pagitan ng Lunes at hatinggabi ng Hunyo 3 na posibleng bumagsak sa silangan ng Pilipinas.

Sinabi ni PhilSA Director Marc Talampas na “base sa nalathalang Notice to Airmen (NOTAM), may drop zone sa silangan ng Pilipinas. Kinukumpirma pa natin kung gaano kalaki ang drop zone sa loob ng EEZ (exclusive economic zone), pero ang gilid ng drop zone ay humigit-kumulang 200 nautical milya papunta sa pinakamalapit na land feature ng Pilipinas.”

Karaniwang nahuhulog ang mga debris sa loob ng ilang minuto pagkatapos ng paglulunsad ng rocket, aniya.

“Ang panganib ng mga debris na bumagsak sa mga populated na lugar ay napakababa. May posibilidad na ang mga rocket debris ay maaaring lumutang sa paligid ng drop zone area at maaaring maanod patungo sa mga baybayin,” sabi niya.

Pinapayuhan ng PhilSA ang publiko na ipaalam sa mga lokal na awtoridad kung may mga pinaghihinalaang debris na makikita sa dagat o lupa.

Sinabi ni Talampas na maglalabas ang PhilSA ng public advisory sa sandaling makumpirma na natuloy ang paglulunsad.

Ayon sa Yonhap News Agency, ang mga debris ay mahuhulog sa tatlong lugar — dalawang kanluran ng Korean Peninsula at ang isa pang silangan ng Luzon. RNT