MANILA, Philippines — Pinaigting ng Bureau of Customs (BOC) ang pagbabantay at pananagutan sa mga baril na ipinagkakaloob sa mga tauhan nito matapos kumpirmahing isang BOC-issued firearm ang ginamit sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University nitong Martes.
Inatasan ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno ang komprehensibong accounting at inventory ng lahat ng baril na kasalukuyang hawak o ipinagkaloob sa mga tauhan ng ahensya.
Kasabay nito, ipinag-utos din ang agarang pagsusuri kung nasusunod ng bawat concerned unit ang mga patakaran ng BOC hinggil sa gun safety, custody, transport, pagdadala, paggamit, pag-iimbak, at pangangalaga ng mga baril.
Ayon kay Nepomuceno, kailangang isumite ng mga concerned unit ang kanilang compliance reports sa loob lamang ng 24 oras.
Iniutos din ng BOC chief sa mga deputy commissioner, katuwang ang mga field office, ang masusing imbestigasyon sa insidente at pangangalap ng lahat ng dokumento, rekord, salaysay, at iba pang ebidensiyang maaaring makatulong sa paglilinaw sa pangyayari.
Samantala, kinumpirma ni BOC Deputy Commissioner Nolasco Bathan na ang Glock pistol na ginamit sa pamamaril ay pag-aari at inisyu ng bureau.
Nilinaw naman niyang ang isa pang baril na sangkot sa insidente ay personal na pag-aari ng suspek at lisensyado, batay sa beripikasyon at sertipikasyon mula sa Firearms and Explosives Office ng Philippine National Police (PNP).
Ang BOC-issued firearm ay isang Glock 22, .40 caliber, na ipinagkaloob kay Lt. Lars Jalani, district commander ng Enforcement and Security Services sa Zamboanga Port at ama ng suspek.
Matapos ang insidente, inalis na si Jalani sa kanyang puwesto habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Hiniling naman ng BOC sa lahat ng personnel na may kaugnayan sa kaso ang buong kooperasyon sa imbestigasyong isinasagawa ng mga kinauukulang awtoridad.
Dalawang estudyante ang nasawi sa naturang pamamaril sa loob ng Ateneo de Zamboanga University.
Sa gitna ng insidente, nakatuon ngayon ang BOC sa pagtukoy kung nasunod ang lahat ng proseso sa pag-isyu, pag-iingat, at pagkontrol sa mga baril ng ahensya, pati na rin sa pananagutan ng bawat personnel na pinagkakatiwalaan ng mga naturang armas. Jay Reyes