Home NATIONWIDE Labor groups sa SC: Aksyunan suspensyon ng P85 NCR wage hike

Labor groups sa SC: Aksyunan suspensyon ng P85 NCR wage hike

1
0

MANILA, Philippines — Hiniling ng mga labor group sa Korte Suprema (SC) na agarang aksyunan ang kanilang petisyon laban sa pagpigil sa implementasyon ng P85 dagdag sa minimum wage sa Metro Manila, matapos palawigin ng Pasig Regional Trial Court (RTC) ang suspensyon sa pamamagitan ng writ of preliminary injunction.

Sa 20-pahinang manifestation, iginiit ng Kamanggagawa Party-list at Nagkaisa Labor Coalition na patuloy na nawawalan ng P60 kada araw ang minimum wage workers habang hindi naipatutupad ang unang tranche ng wage increase.

“A minimum wage worker deprived of P60 today may forego food, transportation, medicine, utilities, or school expenses today,” ayon sa kanilang pleading.

Noong Agosto 13, naglabas ang Pasig RTC Branch 152 ng preliminary injunction laban sa pagpapatupad ng NCR Wage Order No. 27 matapos makapaglagak ng P10 bilyong injunction bond ang Readycon Trading and Construction Corp. at R-II Builders Inc., na kumukuwestiyon sa wage order. Pinalitan nito ang naunang 20-day temporary restraining order ng korte.

Giit ng mga labor group, hindi nawawala ang urgency ng kanilang petisyon dahil maaaring manatiling nakapigil ang injunction habang dinidinig ang pangunahing kaso.

Kinukuwestiyon din nila kung may hurisdiksyon ang RTC na mag-isyu ng injunction laban sa isang wage order.

Sa ilalim ng NCR Wage Order No. 27, P85 ang kabuuang dagdag-sahod na nakatakdang ibigay sa dalawang tranche—P60 sana simula Hulyo 25, 2026 at karagdagang P25 sa Enero 20, 2027.

Hiwalay na naghain noong Agosto 17 ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng motion for reconsideration sa Pasig RTC upang ipawalang-bisa ang preliminary injunction at maipatupad ang wage increase.

Hiniling naman ng mga labor group sa SC na ipawalang-bisa ang TRO at preliminary injunction at pigilan ang mga trial court sa pagdinig ng mga direktang hamon na naglalayong ipatigil ang implementasyon ng wage order.

Habang wala pang bagong kautusan mula sa korte, nananatiling suspendido ang unang P60 na bahagi ng dagdag-sahod para sa minimum wage earners sa NCR. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here