Home HOME BANNER STORY Presyo ng gulay, tumaas sa epekto ng Habagat; agri damage sirit sa...

Presyo ng gulay, tumaas sa epekto ng Habagat; agri damage sirit sa P1.4B

1
0

MANILA, Philippines — Tumaas ang presyo ng ilang gulay at iba pang produktong agrikultural kasunod ng sunod-sunod na pag-ulan at pagbaha dulot ng Habagat at mga nagdaang bagyong Luis at Maymay.

Umabot na sa P1.4 bilyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura, ayon sa Department of Agriculture (DA). Pinakamalaki rito ang pinsala sa palay na nagkakahalaga ng P794 milyon, sinundan ng gulay at iba pang high-value crops na P454 milyon at mais na P74 milyon.

Sinabi ni DA spokesperson Arnel de Mesa na kabilang sa pinakamalubhang naapektuhan ang mga taniman sa Central Luzon, Ilocos Region, Southern Tagalog at Cordillera, dahilan upang asahan ang pagtaas sa presyo ng ilang gulay.

Batay sa DA price data, umabot na sa P180 hanggang P350 kada kilo ang cauliflower mula P120 hanggang P270, habang ang repolyo ay nasa P60 hanggang P160 mula dating P40 hanggang P90.

Tumaas din ang ampalaya sa P90 hanggang P220 kada kilo, talong sa P110 hanggang P200, at sitaw sa P100 hanggang P240. Ang carrots naman ay umaabot na sa P170 kada kilo, habang ang pechay Baguio ay hanggang P150.

Apektado rin ang presyo ng ilang isda. Naitala ang galunggong sa P400 kada kilo, bangus sa P160 hanggang P320 at tilapia sa P200 kada kilo.

Bukod sa pananim, nakapagtala rin ang DA ng P59 milyong pinsala sa irrigation facilities, P12 milyon sa livestock at P6 milyon sa fisheries.

Gayunman, hindi inaasahan ng DA na tataas agad ang presyo ng bigas sa kabila ng malaking halaga ng pinsala sa palay.

Ayon kay De Mesa, maliit lamang ang nasirang bahagi kung pagbabatayan ang kabuuang volume at karamihan sa mga pananim ay partially damaged at maaari pang makarekober. Sapat din aniya ang kasalukuyang local at imported rice supply.

Naghanda na rin ang DA ng tulong at recovery loan packages para sa mga magsasakang naapektuhan ng masamang panahon habang nagpapatuloy ang pagtataya sa pinsala sa agrikultura. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here