Home HOME BANNER STORY Imbentaryo ng nakumpiskang P6.9-B shabu sa Pangasinan, sinaksihan ni Nartatez

Imbentaryo ng nakumpiskang P6.9-B shabu sa Pangasinan, sinaksihan ni Nartatez

297
0

PANGASINAN, Philippines – Personal na nagtungo sa Pangasinan noong Sabado, Oktubre 4, si Police Lt.Gen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr., Acting Chief ng Philippine National Police upang saksihan ang isinagawang imbentaryo ng mahigit isang (1) tonelada na shabu.

Sa inilabas na press release ng Police Regional Office (PRO) 1, nasa kabuuang 1,020 kilo ang shabu at  tinatayang nagkakahalaga ng 6.936 bilyon.

Ang malaking bahagi nito, na tinatayang nasa 895 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱6.086 bilyon ay nakumpiska sa bisa ng search warrant na isinagawa noong gabi ng Oktubre 3, 2025, sa bayan ng Labrador, Pangasinan, sa kabila ng malakas na ulan dulot ng bagyong Paolo.

Tinatayang 125 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱850 milyon ang nasamsam naman  mula sa isang Chinese national at isang Pilipino sa buy-bust operation noong Oktubre 2, 2025, sa bayan ng Bugallon, Pangasinan.

Pinuri ni PBGEN Dindo Reyes ang matagumpay na operasyon bilang bunga ng mahigpit na koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), at iba pang kaukulang ahensya ng pamahalaan.

Aniya, ipinakita nito ang epektibong pagtutulungan at malasakit ng bawat kasapi ng pamahalaan sa pagpapatupad ng kampanya laban sa ilegal na droga.

“Ang tagumpay na ito ay bunga ng masusing pagkalap ng impormasyon at mahigpit na interagency coordination. Sa tagubilin ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., patuloy na magtutulungan ang PNP at iba pang ahensya ng pamahalaan sa pagsugpo sa ipinagbabawal na gamot upang mapangalagaan ang ating mga kababayan mula sa banta ng ilegal na droga,” pahayag ni PBGEN Reyes.

Tiniyak naman ni Acting Chief PNP Police Lt.Gen. Nartatez, Jr., na mananatiling matatag ang PNP sa misyon nitong “to serve and protect.”

“Ang ganitong tagumpay ay hindi lamang panalo ng kapulisan, kundi panalo ng bawat mamamayan na nagnanais ng ligtas at maayos na pamayanan. Kailangan po namin ang inyong aktibong partisipasyon upang tuluyang malabanan ang anumang uri ng kriminalidad,” wika ni Nartatez. Rolando S. Gamoso

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here