MANILA, Philippines- Tatapusin na ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang imbestigasyon nito sa paggamit ng confidential funds ng mga opisina ni Vice President Sara Duterte ngayong Lunes, ayon kay Manila 3rd District Representative Joel Chua.
“Para makapigbay ng linaw dito and to give way to the investigation, hahayaan na namin ang AFP na mag conduct ng kanilang sariling imbestigasyon pagdating po dito,” paliwanag ni Chua sa isang panayam nitong Linggo.
“May mga nag fa-file na rin ng impeachment sa ating Bise Presidente kaya minarapat po namin na i-wrap up na po ito ng sa ganoon ay hindi na po ito magamit dahil we have to be remided na ang purpose talaga nitong ginagawa naming imbestigasyon ay in aid of legislation,” dagdag ng mambabatas.
Sakaling umusad ang impeachment complaints, ang House Committee on Justice ang mangangasiwa sa imbestigasyon, aniya.
Dalawang impeachment complaints ang inihain laban kay Duterte. Naghain ang advocacy groups ng unang reklamo na inendorso ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña. Ang ikalawa naman ay isinumite ng Makabayan bloc. RNT/SA