MANILA, Philippines – Nais na makita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tuloy-tuloy ang paglaban ng gobyerno sa korapsyon at tiyakin na nagpapatuloy ang imbestigasyon laban sa mga mapang-abuso sa gobyerno kahit tapos na ang kanyang termino.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na determinado ang Pangulo na panindigan ang pananagutan at pangalagaan ang tiwala ng mga mamamayang filipino.
“Wala pong natutulog pagdating po sa pag-iimbestiga sa flood control projects…Hindi po tumitigil ang Pangulo para mapanagot ang dapat mapanagot,” ang sinabi ni Castro sabay sabing “Iyan naman talaga ang nais ng Pangulo na maipakita sa taumbayan na ang administrasyon ngayon ay lumalaban sa korapsyon. Ang administrasyon na ito ang siyang nagpapa- imbestiga sa mga abuso sa gobyerno, at iyan ang gustong manatili ng Pangulo sa isipan ng taumbayan at iyan ang ayaw niyang mapatid.”
“Gusto niya sana ay magtuluy-tuloy ito (kampanya laban sa korapsyon) kahit hindi na siya ang Pangulo,” ang sinabi pa rin nito.
Ipinaalala naman ni Castro sa publiko na nananatiling nagpapatuloy ang imbestigasyon ng gobyerno sa flood control anomaly at magpapatuloy kahit pa magtapos ang trabaho ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
“Ang tangi nating masasabi ay Hoy, gising! Dahil alam po natin kung papaano —nagsumite na ang ICI ng kanilang report hindi lamang sa Ombudsman kung hindi pati sa DOJ (Department of Justice),” ang winika ni Castro.
Inulit ni Castro na walang sinuman ang sasantuhin ng pamahalaan, gaano man kataas ang posisyon, kung may ebidensiya ng pagkakasangkot.
Iginiit ng PCO Undersecretary na ang imbestigasyong ginawa ng gobyerno ay base sa ebidensya at hindi drama.
“Of course. Definitely, kahit sino pa iyan, kung mayroong kinalaman, may ebidensiya, hindi puro pa-media. Sabi nga natin, stop the drama. We have to start working,” ayon kay Castro.
“Marami kasing nagda-drama sa media. Ang kailangan natin dito ay ebidensiya – ebidensiya na siyang magtuturo at siyang magiging basehan para ma-prosecute ang mga taong involved,” aniya pa rin.
Tinuran pa nito na magsasagawa ang Ombudsman at DOJ ng sari-sarili nilang imbestigasyon.
“Ang trabaho ng ICI – fact-finding committee. Marami na silang naisumite sa DOJ. Marami na silang naisumite sa Ombudsman. So, ang ibig pong sabihin niyan, hindi natulog, nagpahinga, hindi nag-relax ang ICI. Ngayon lahat ng kanilang nairekomenda, nakasuhan o for further investigation nasa kamay na po iyan ng DOJ at ng Ombudsman,” ang pahayag ni Castro. (KRIS JOSE)