MANILA, Philippines- Magsasagawa na rin ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pagkamatay ng 21-anyos na babaeng architecture student sa Occidental Mindoro.
Ito ay matapos atasan ni Justice Secretary Jesus Crispin C. Remulla nitong Lunes ang NBI na magsagawa ng sariling imbestigasyon.
Si Eden Joy Villacete, na incoming fifth year student ng Occidental Mindoro State College, ay natagpuang walang buhay na hubo’t hubad noong Hunyo 30 sa loob ng inuupahan niyang kwarto sa bayan ng San Jose.
Nakalikom na ng P459,000 reward para sa anumang impormasyon na makakapagturo sa mga killer ng biktima.
Ang fund-raising activity para sa reward ay pinangunahan ng Care FM broadcaster na si Mariboy Ysibido sa kanyang programang “Pag-Usapan Natin.”
Nagmula ang mga reward kina Rep. Odie Tarriela na nangako ng P100,000; Gov. Eduardo Gadiano, P100,000; Vice Gov. Diana Tayag, P100,000; ang munisipalidad ng San Jose, P100,000; Care FM, P25,000; Board Member Alex Robles del Valle, P25,000; at Barangay Bagong Sikat Captain Ismael Cacayurin, P5,000; at P4,000 mula sa mga anonymous sources. Jocelyn Tabangcura-Domenden