MANILA, Philippines – Nanawagan si House Senior Deputy Speaker at South Cotabato 2nd District Rep. Ferdinand Hernandez ng imbestigasyon sa paulit-ulit na pagbaha sa bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) na nagdulot ng matinding pagsisikip ng trapiko.
Sa kanyang privilege speech nitong Lunes, hiniling ni Hernandez na ipaliwanag ng NLEX at mga kaugnay na ahensya ng pamahalaan kung bakit muling bumaha sa lugar malapit sa San Simon Exit sa Pampanga, gayong nagsagawa na umano ng mga pagpapahusay matapos itong bahain noong 2023.
“Let us examine the concession agreement. Let us verify what improvements were promised and what was actually delivered. Let us determine whether government properly monitored compliance. And let us determine whether any failure to perform these obligations may give rise to accountability—including, where the evidence and the law warrant, civil liability,” pahayag niya.
Sinabi rin ni Hernandez na dapat imbestigahan kung ang kabiguang maghanda, magbabala sa mga motorista, magpatupad ng traffic diversion at magbigay ng tulong ay maaaring ituring na kapabayaan na may pananagutang sibil.
“This incident also raises a legal question that our investigation must address: Could the failure to anticipate a known and recurring danger, warn motorists, divert traffic, provide assistance, or take reasonable precautions constitute negligence giving rise to civil liability? I am not prejudging the answer. This is precisely why an investigation is necessary,” dagdag niya.
Binigyang-diin niya na hindi NLEX ang sanhi ng ulan, ngunit dapat suriin kung gumawa ito ng sapat na hakbang upang maiwasan ang pinsala sa mga motorista.
Kinuwestiyon din ni Hernandez kung bakit hindi agad sinuspinde ang pangongolekta ng toll nang maging hindi madaanan ang expressway dahil sa baha. Iminungkahi niyang awtomatikong ihinto ang toll collection sa mga bahaging lubhang binaha o may seryosong operational failure, nang hindi na kailangang hintayin ang reklamo ng publiko.
“Congress should examine a clear rule: When a tollway becomes substantially impassable because of severe flooding or serious operational failure, toll collection in the affected sections should automatically be suspended. No application. No request. No public outrage should be necessary,” aniya.
Hiniling din niya ang pagtalakay sa automatic refunds, toll waivers, rebates at kompensasyon para sa mga motoristang naipit at nakaranas ng aktuwal na pinsala o pagkalugi.
“A toll is payment for a service. Motorists pay for a reasonably safe, efficient, and reliable expressway. If the tollway can no longer provide that service, what exactly are motorists being charged for?” pahayag niya.
Noong Agosto 31, inatasan ng Department of Transportation ang Toll Regulatory Board na hingan ng paliwanag ang NLEX Corp. kaugnay ng matinding trapiko at humingi ng mga hakbang upang hindi na maulit ang insidente.
Noong Setyembre 2, nagbigay ang NLEX Corp. ng toll rebate sa San Fernando–Pulilan stretch, northbound at southbound, hanggang sa maging madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan ang buong bahagi.
Ayon sa DOTr, kabilang sa pangmatagalang solusyon ang pagtataas ng road pavement, paggawa ng perimeter flood wall at dredging sa Tulaoc River. RNT/MDS