MANILA, Philippines – Mariing kinondena ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga iregularidad sa flood control projects sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Lunes, Setyembre 1.
“Panagutin natin lahat ng responsable dito. Imbes na flood control, ang meron tayo ay mga floods na out of control. Kapabayaang out of control! Bastusan na out of control,” anang senador sa nasabing hearing.
“Mula sa contractors, implementers, maging proponents at legislators, lahat po’y dapat imbestigahan. We must leave no stone unturned. Managot po ang dapat managot, kapamilya man, kaibigan, o mga namedropper, wala tayong sasantuhin, lalo na yung mga nagpayaman sa mga proyektong hindi ipinatupad nang maayos at naglagay sa kapahamakan sa buhay at kalusugan ng taumbayan,” giit pa ni Go.
Tinuligsa niya ang paggamit ng pondo ng bayan bilang “gatasan” para sa iilan habang milyon-milyong Pilipino ang naghihirap.
“Bastusan na po ito. Ginawang gatasan ang mga proyekto ng gobyerno. Kailangan ng kahit anumang bansa ang infrastructure, totoo naman po iyon, kailangan natin ng infrastructure para umunlad, pero wag haluan ng bastusan at gatasan. Paano uunlad ang bayan kung ginagawa po itong gatasan ng iilan?”
Mistulang sinita rin ni Go ang pagkakaroon ng mas malaking budget ng DPWH kaysa sa Department of Health.
“Nakakapanlumo na one-third lang po ng budget ng DOH kumpara po sa DPWH. Dapat gamitin na lang ito sa mga programang direktang makakatulong sa tao lalo na pagdating sa pangangalaga ng kanilang buhay at kalusugan.”
Sa pagdinig, tinanong niya ang kontraktor na si Sarah Discaya, na umamin na hawak ng kaniyang mga kompanya ang 138 proyekto sa buong bansa. Bagama’t iginiit ni Discaya na natapos ang mga ito.
Iginiit din ng senador na wala siyang koneksyon sa anomang negosyo ng kanyang pamilya.
“At uulitin ko, for the nth time, I have nothing to do with the business of my family. Wala po akong kinalaman sa negosyo nila, I have no involvement in its operations… If meron pong deficiencies at meron silang pagkukulang, ako mismo po ang magrerekomenda sa komiteng na kasuhan sila. Kahit kamag-anak ko, kahit sa anuman pong pagkakamali, kasuhan niyo po sila. I am for accountability, ayaw ko po ng kalokohan kahit kailan.”
Sa huli, iginiit ni Go na mahalaga ang imprastruktura para sa pag-unlad ng bansa, ngunit hindi dapat gawing kasangkapan ng katiwalian. RNT